Bentahan ng smuggled na sibuyas online, talamak
- BULGAR
- Feb 23, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 23, 2024
Pinangangambahang mas bababa pa ang presyo ng sibuyas, kung hindi susuriin ang smuggling ng ganitong uri ng produktong pang-agrikultura.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So, ang farmgate price ng red onions o pulang sibuyas ay posibleng bumaba sa P10 hanggang P15. Aniya, ang presyo ngayon sa farmgate ng pulang sibuyas ay nasa P26 hanggang P28, habang ang puti ay nasa P23 to P25.
Binigyan-diin ni So na ang mga smuggled onion na nabebenta sa online at ang mga pumapasok na smuggled na sibuyas ang dapat nating bantayan, kung saan nagiging talamak na ito sa ngayon.
Batay sa daily price monitoring ng Department of Agriculture (DA), makikitang ang bentahan ng pulang sibuyas ay nasa mababang halaga na P90 kada kilo, habang ang mga puting sibuyas ay ibinebenta sa halagang P60 kada kilo.
Ang mga pulang sibuyas naman na ibinebenta sa Kadiwa market sa Quezon City ay nasa halagang P50 kada kilo, habang ang mga puting sibuyas ay ibinebenta ng P35.
Sinabi naman ng isang opisyal ng DA, nagkaroon ng malaking pagtaas sa produksyon ng mga sibuyas dahil maraming magsasaka ang nahikayat na magtanim makaraang tumaas ang presyo ng mga ito.
Paliwanag ni Assistant Secretary Arnel De Mesa, ang Bureau of Plant Industry at iba pang concerned agencies ay nagtatatag na ng market linkages upang matiyak na ang mga supply ng sibuyas ay makakarating sa merkado.
Ayon pa kay De Mesa, may tie-up na ngayon sa ating mga Kadiwa market, at umaasa rin sila roon sa iba pang bagsakan sa Southern Tagalog, at maging sa iba pang mga lugar na nangangailangan din ng sibuyas.
Nakakabahala na maaapektuhan na naman ang ating mga magsasaka dahil sa posibleng pagbaba ng farmgate price ng sibuyas.
Gayundin, kaawa-awa sila kapag hinayaan na lamang nating kumalat at dumami ang mga nagbebenta ng mga smuggled na sibuyas online habang wala tayong ginagawa dahil maaaring masayang at mabulok na naman ang kanilang mga ani.
Hindi rin kasi masisisi ang ating mga kababayan kung bumibili man sila ng murang produkto o itong sibuyas lalo pa’t online. Sa mahal ba naman ng bilihin ay talagang kakagatin ito ng maraming mamimili dahil sa murang halaga. ‘Yun lang hindi nila alintana na posibleng may epekto at makakasama sa kanilang kalusugan o health hazard ang binibiling produkto sa online na walang kasiguraduhan.
Panawagan natin sa kinauukulan na sana ay tutukan ang umuusbong na namang problema ng smuggling ng produktong pang-agrikultura. Hindi kasi natatapos ‘yan sa minsang may mahuli at okey na. Dapat sana ay tuluy-tuloy ang pagtugis sa mga smuggler at sila ay parusahan. Umaasa ang mga mamamayan sa inyong gagawing pagkilos at pagresolba tungkol dito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments