Bentahan ng rehistradong SIM, talamak
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 3, 2023
Matindi ang ginagawang paghahanda ng mga scammer hinggil sa nalalapit na deadline ng subscriber identity module (SIM) registration na nakatakdang magtapos sa Hulyo 25.
Ngayon pa lamang ay nagpaparehistro na sila ng napakaraming SIM na may iba’t ibang pagkakakilanlan na inaasahang gagamitin ng mga scammer sa oras na ipatupad na ang pag-deactivate sa mga SIM na hindi rehistrado.
Isa pa sa napakadelikado ay may mga kababayan tayong sila mismo ang nagpaparehistro ng SIM sa pangalan nila at pagkatapos ay ipinagbibili nila sa mga kababayan nating inaakala nilang kulang ang kaalaman sa SIM registration at naipagbibili nila sa halagang P300 hanggang P500.
Umaasa ang mga nagbebenta ng rehistradong SIM card na kulang sa kaalaman sa teknolohiya ang kanilang binentahan ngunit hindi nila naiisip na kapag ang SIM ay napunta sa kamay ng scammer at ginamit ito sa panloloko, tiyak na ang nagparehistro ang makukulong.
May mga kaso naman nitong mga nagdaang araw na walang kamalay-malay ang isang babaeng tindera ng tindahan ng cellphone sa Greenhills dahil naiparehistro ng hindi niya kakilala ang isang SIM sa kanyang pangalan at ginamit sa panloloko na may ibang numero.
Ang masakit ginamit ang kanyang pagkakakilanlan sa bentahan ng alahas at nagkataon na ang online buyer ay kaanib ng Philippine National Police (PNP) kaya nagawang matunton agad ang kinalalagyan ng kaawa-awang probinsyana.
Walang nagawa ang tindera kundi ang harapin ang kasong isinampa sa kanya ng biktimang pulis sa PNP-ACG (Anti-Cybercrime Group) dahil lumalabas na siya umano ang katransaksyon ng naturang pulis.
Kamakailan lamang, tatlong indibidwal din ang inaresto sa Barangay Poblacion, Makati City dahil sa pagbebenta naman ng SIM card na rehistrado -- na isang napakalaking paglabag sa Republic Act No. 11934 o ang SIM Card Registration Act.
Ayon sa ulat ng Southern Police District (SPD), nagsagawa umano ng pagsalakay ang kanilang Special Operations Unit sa pamamagitan ng isang buy-bust operation laban sa ilang empleyado ng Hapson Technology na lantaran umanong nagbebenta ng pre-registered SIM cards.
Sa naturang operasyon, nasa 40 prepaid SIM cards mula sa Globe Telecom, at 37 mula sa Smart Communications ang nakumpiska sa pag-iingat nina Elvies Basilio, 29 at Jomar Colinares, 30 na kapwa empleyado ng Hapson Technology.
Nasakote din sa isinagawang follow-up operation sa isa pang tanggapan ng Hapson Technology sa Barangay Bangkal si Frankeinstein David Santiago dahil sa naging agresibo pa umano ito laban sa mga operatiba ng SPD sa gitna ng isinagawang pagsalakay.
Ito ang mga patunay na may nangyayaring bentahan ng rehistradong SIM card sa ilang pamilihan na kung hindi mag-iingat ang bawat isa ay posibleng maging biktima ang ilan sa ating mga kababayan.
Seryoso ang pamahalaan na labanan ang mga scammer na namamayagpag sa panggagantso online gamit ang hindi rehistradong SIM at inaasahang pagsapit ng deadline ng SIM registration ay dito maglalabasan ang mga inirehistro gamit ang pekeng pagkakakilanlan.
Kaya nga nilagdaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) noong nakaraang Oktubre 2022 upang masawata na ang phishing scams at iba pang krimen na isinasagawa gamit ang text messages.
Sa ilalim ng naturang batas, kailangang iparehistro ng mga phone users ang kani-kanilang SIM cards, samantalang ang mga bibili ng bagong SIM ay kailangan nang magsumite ng kaukulang dokumento upang makasiguro na may mananagot sa kahit anong transaksyon na kasasangkutan ng naturang SIM.
Mukhang epektibo naman ang ipinatutupad na SIM registration dahil pumalo na sa 100.2 milyong SIMs ang naparehistro sa iba’t ibang telecommunications service providers eksaktong isang buwan bago ang deadline ng pinalawig na SIM registration.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang nasabing bilang ng registered SIMs ay ‘significant’ at umabot na umano sa kanilang soft target.
Tiniyak ng DICT na sa Hulyo 26 ay mapuputol na ang koneksyon ng mga SIM card na hindi rehistrado at wala na itong isasagawang extension pa upang masimulan na umano ang paglilinis at pagsasaayos sa napabayaang pagdami ng SIM card sa bansa.
Sa ngayon, makabubuting mag-ingat muna ang lahat, lalo na ‘yung mga kababayan nating nakukumbinsi ng ilang scammer na magparehistro ng SIM gamit ang kanilang pangalan dahil kapag ginamit na ‘yan sa panloloko ay tiyak na ang mga nagpauto ang maaasunto.
Marami pang iba’t ibang pakulo ang naiisip ng mga scammer na tiyak na gagamitin ng mga ito sa oras na itigil na ang SIM registration at kung hindi tayo mag-iingat ay posibleng isa sa ating mga mahal sa buhay ang maging biktima o baka tayo na mismo.
Maging mapagmatyag at huwag basta na lamang papatol sa kahit anong iniaalok na negosyo, paluwagan, loan at iba pang online transactions dahil mas malamang sa malamang scam ang mga ‘yan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments