Bentahan ng Christmas lights at décor, tiyaking safe
- BULGAR

- Nov 11, 2020
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 11, 2020
Palapit na nang palapit ang holiday season o Kapaskuhan, kaya naman marami na ring nagsimulang maglagay ng mga Christmas lights at décor tulad ng parol at mga Christmas tree.
‘Ika nga, kahit may pandemya, tuloy ang Pasko, pero tulad ng paalala taun-taon, mag-ingat sa mga bibilhin at gagamiting Christmas décor.
Kaugnay nito, nakatakdang magsagawa ng inspeksiyon sa iba’t ibang pamilihan ng mga Christmas lights at décors ang mga awotoridad. Unang mag-iinspeksiyon ang enforcement team ng Department of Trade and Industry (DTI) La Union.
Ayon kay Chief Trade and Industry Development Specialist Marissa Nones, importante ang isasagawang pagbisita at inspeksiyon sa mga establisimyento sa buong lalawigan upang masiguradong ligtas ang mga produktong bibilhin ng mga konsumer.
Kasabay nito, ipinaalala sa publiko na kailangang may PS Mark o ICC sticker para masiguro na dumaan ito sa safety evaluation, gayundin, dapat umanong matiyak na hindi peke ang mga inilalagay na marka at sticker.
Dagdag pa rito, ibinabala rin na ang mga negosyanteng mapatutunayang nagbebenta ng substandard Christmas lights at décor ay papatawan ng multang hindi bababa sa P25,000.
Dapat lang na mainspeksiyon ang bentahan ng Christmas lights at décor dahil sa panahon ngayon, dapat ding matiyak na hindi malalagay sa peligro ang buhay ng mga konsumer.
Alam naman natin ang panganib ng mga produktong hindi dumaan sa quality standards —possible itong makaapekto sa kalusugan dahil sa mga nakalalasong kemikal o magdulot ng aksidente tulad ng sunog.
Pakiusap lang sa mga kinauukulan, inspeksiyunin din ang establisimyento sa iba pang mga lugar. ‘Pag may lumabag, parusahan agad.
At tayo namang publiko, makinig at ‘wag dedmahin ang paulit-ulit na paalala sa atin.
Maging responsable tayong mamimili at ‘wag pasaway. Tandaan na ito ay para sa ating ikabubuti.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments