Bentahan ng birth certificate, passport, iba pang dokumento, talamak!
@Editorial | November 19, 2023
Nakaaalarma ang mga ulat na talamak ang bentahan ng birth certificate, pasaporte, at iba pang dokumento.
Kaugnay nito, naniniwala ang National Security Council (NSC) na nasa lebel ito ng mga lokal na pamahalaan.
Matatandaang una nang ibinunyag ng opisyal na nangunguna ang mga korup na civil registrars sa pagkalat ng mga naturang dokumento na isang malaking banta sa pambansang seguridad.
Napag-alaman na nababayaran ang ilang local civil registrars para mag-isyu ng mga personal documents katulad ng birth certificates.
Bago nito, nagsagawa ang NSC ng sariling imbestigasyon ukol sa umano’y talamak na pagkalat at bentahan ng mga naturang dokumento.
Karamihan umano sa mga natukoy nilang mga dayuhang nakinabang ay mga Chinese na hindi ipinanganak dito sa bansa, at walang parental linkage dito sa Pilipinas.
Hangga’t may korup, hindi talaga matatapos ang problema ng bayan. Kung may iilan na gustong nagpapakasasa sa pera, marami naman ang buhay na nalalagay sa kapahamakan.
Kailangang kumilos ng gobyerno para mapigilan ang ganitong kalakaran. Kung mauutak ang mga sindikato at kurakot, dapat maging mas wais at panagutin ang mga salarin.



Comments