top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Benepisyo at pribilehiyo ng balikbayan

  • BULGAR
  • Dec 21, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 21, 2022


Dear Chief Acosta,


Ako ay ipinanganak, lumaki at nanirahan sa Pilipinas nang halos 30-taon, bago ako lumipat sa Canada noong 2018. Kamakailan, ako ay naging g ganap na Canadian citizen. Higit apat na taon ko nang hindi nakikita at nakakasama ang aking pamilya at mga kaibigan – sobrang nami-miss ko na sila. Dahil mas mabuti na ang sitwasyon ngayon mula noong magsimula ang pandemya, napagdesisyunan kong umuwi ng Pilipinas bago matapos ang taon. Kakailanganin ko bang mag-apply/kumuha ng visa para makapasok at manatili sa Pilipinas ng tatlong buwan? - Mheng

Dear Mheng,


Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 6768 o kilala bilang “An Act Instituting a ‘Balikbayan Program, na inamyendahan ng Republic Act No. 9174, na nagsasaad na:

“SEC. 2. Definition of Terms. — For purposes of this Act:

(a) The term “balikbayan” shall mean a Filipino citizen who has been continuously out of the Philippines for a period of at least one (1) year, a Filipino overseas worker, or a former Filipino citizen and his or her family, as this term is defined hereunder, who had been naturalized in a foreign country and comes or returns to the Philippines;

SEC. 3. Benefits and Privileges of the Balikbayan. — The balikbayan and his or her family shall be entitled to the following benefits and privileges:

x x x

(c) Visa-free entry to the Philippines for a period of one (1) year for foreign passport holders, with the exception of restricted nationals;” (Binigyang-diin)


Ang Balikbayan Program ay pinasimulan sa ilalim ng administrasyon ng Kagawaran ng Turismo upang akitin at hikayatin ang mga Pilipino sa ibang bansa na pumunta at bisitahin ang kanilang inang bayan. Ito ay bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng foreign exchange inflow at mga kita na kanilang nalilikha.


Ang balikbayan ay may karapatan sa mga benepisyo at pribilehiyo, tulad ng pagpasok sa Pilipinas nang hindi nangangailangan ng visa at pananatili rito sa loob ng isang taon. Samakatwid, bilang dating mamamayang Pilipino/former Filipino citizen, ikaw ay maaaring pumasok at manatili sa Pilipinas nang walang visa sa loob ng tatlong buwan. Sundin lamang ang mga tuntunin at regulasyon na may kaugnayan sa nasabing batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page