Beermen at E-Painters sa PBA Best-of-5 Semis

ni Clyde Mariano @News | May 16, 2024

Muling magkakasukatan ng galing ang defending champion San Miguel Beermen at Rain or Shine E-Painters sa Game 1 ng best-of-five semifinal series sa PBA Philippine Cup ngayong Biyernes sa Mall of Asia Arena.
Magsasagupa ang Beermen at Elasto Painters ng 4:30 pm. Inaasahang magiging kapanapanabik ang salpukan ng dalawang magkatunggali na parehas galing sa panalo at mataas ang morale at fighting spirit.
Pinatalsik ng SMB ang giant killer Terrafirma Dyip, 110-91, at sinipa ng RoS ang pinapaborang Talk ‘N Text, 110-109. Ito ang unang semifinal appearance ni coach Yeng Guiao mula noong 2019 Commissioner’s Cup. Ito rin ang unang beses na dinala ng veteran mentor at 7x PBA champion na taga-San Fernando, Pampanga ang Ros sa semis matapos bumalik sa team matapos hawakan ang NLEX Road Warriors ng 6 na taon.
Kung lakas at lalim ng bench ang pag-uusapan, lamang ang SMB dahil halos puro superstars at nasa kanila ang most dominant center ng liga na si 7x MVP June Mar Fajardo katuwang si Moala Tautuaa.
Tinalo ng SMB ang RoS, 109-97, sa opening game ng Philippine Cup pero hindi pa rin dapat magtiwala at magkumpiyansa si coach Jorge Gallent at ang kanyang mga manlalaro dahil may kakayanan ang RoS na baligtarin ang mesa pabor sa kanila. “My team plays underdog. Nothing to lose and many things to gain ang laro namin sa SMB,” sabi ni Yeng Guiao.
Sasandal si Guiao sa kanyang mga kamador na sina Beau Belga, Jhonard Clarito, Leonard Santillan, Adrian Nocum, Andrei Caracut, Shawn Ildefonso, team captain Gabe Norwood at rookie Keith Datu.





Comments