Bebot, patay sa sunog sa Makati City
ni Lolet Abania | July 26, 2022

Patay ang isang babae matapos ang sunog sa isang residential area sa Barangay Cembo sa Makati City madaling-araw ngayong Martes.
Batay sa ulat, ang biktima ay inatake sa puso habang nagaganap ang sunog. Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng biktima.
Ayon Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog ng alas-3:00 ng madaling-araw habang apektado ang ilang kabahayan sa J.P. Rizal Street sa harap ng isang ferry station sa Pasig River.
Isa ring babaeng residente ang nasaktan matapos na masabugan ang kanyang kamay sa insidente.
Sinabi naman ng zone leader na si Carla Villalon, natutulog na ang mga residente nang may maganap na pagsabog saka agad na kumalat ang apoy sa mga kabahayan.
Idineklara ng BFP na under control ang sunog pasado alas-4:00 ng madaling-araw, at ilang saglit pa ay tuluyan na ring naapula ang apoy.
Nasa 10 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos ang sunog. Habang ang kinordon na ng lokal na gobyerno ng Makati City ang lugar.
Patuloy naman ang BFP sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa naging dahilan ng sunog at halaga ng pinsala matapos ang insidente.





Comments