top of page
Search
  • BULGAR

Beal at Grant, nagka-COVID, malabo na sa Tokyo Olympics

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 17, 2021



Mukhang may napipintong malaking pagbabago sa Team USA para sa 2020 Tokyo Olympics matapos ipasok sa COVID-19 protocol si Bradley Beal ng Washington Wizards at Jerami Grant ng Detroit Pistons. Dahil dito, malaki ang posibilidad na hindi sila tutuloy ng Japan, lalo na sa kaso ni Beal.


Hindi nakakapag-ensayo ng kumpleto ang mga Amerikano sa ilalim ni Coach Gregg Popovich ng San Antonio Spurs habang hinihintay nila sina Booker, Khris Middleton at Jrue Holiday na tapusin ang NBA Finals. Maaaring kumuha ng mga kapalit mula sa USA Select Team na kinabibilangan ng mga batang NBA player sa gabay ni Pinoy Coach Erik Spoelstra ng Miami Heat na sumasabay sa ensayo sa Las Vegas, Nevada.


Bunga ng bagong suliranin na ito, pinag-aaralan kung ipagpapaliban ang pangalawang paghaharap ng Team USA at Australia ngayong araw. Matatandaan na ginulat ng Boomers ang USA, 91-83 noong linggo sa likod ng mahusay na laro ng mga NBA player Patty Mills ng Spurs at Joe Ingles ng Utah Jazz.


Samantala, nakatanggap ng malaking tulong ang Basketball para sa kababaihan matapos sumuporta ang isang Senadora sa Women’s National Basketball League (WNBL). Dahil dito, tatawaging Cayetano WNBL Season 2021 ang makasaysayang torneo bilang unang ligang propesyonal para sa kababaihan sa bansa.


Pormal na magsisimula ang aksyon ngayong Sabado (Hulyo 17) sa Bulacan Capitol Gym sa Malolos City. Ang Glutagence Glow Boosters and Pacific Water Queens ang may karangalan na maghaharap sa una at nag-iisang laro simula 4:00 ng hapon.


Ang tatlong iba pang mga koponan ay ang Paranaque Lady Aces, Taguig Lady Generals at STAN Quezon Lady Spartan. Maglalaro ang bawat koponan ng walong beses sa double round robin at susunod agad ang playoffs.


Makatutulong aniya ng malaki ang WNBL sa adbokasiya ng “Women Empowerment”. Ang liga ay maglilikha at magbibigay ng trabaho at pagkakataon para sa mga atletang Filipina habang ang mga kabataang babae ay magkakaroon ng inspirasyon na tuparin ang kanilang mga pangarap.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page