Bea Bell inangkin ang korona ng Juvenile Race
- BULGAR
- Oct 24, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 24, 2023
Parang nag-ensayo lang si Bea Bell matapos ang walang kahirap-hirap na pagtawid sa meta at pag-angkin ng korona sa 2023 PHILRACOM 2nd Leg Juvenile Stakes race na inilarga sa Metro, Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.
Humarurot sa unahan si Bea Bell paglabas ng aparato para hawakan agad ang dalawang kabayong bentahe sa kaagahan ng karera.
Umabot sa far turn ang bakbakan pero hindi pa rin madikitan ng ibang kabayo ang matikas na si Bea Bell na pag-aari ng mag-amang sina Elmer De Leon at volleyball star player Bea De Leon.
Kaya naman nanatiling nasa unahan si Bea Bell at pagsungaw ng rektahan ay nasa apat na kabayo na ang lamang ng winning horse.
Lumayo sa anim na kabayo ang bentahe ni Bea Bell sa huling 150 meter race kaya pagtawid nito sa meta ay nasa walong kabayo ang lamang nito sa pumangalawang Morning After.
Nirendahan ni former Philippine Sportswriters Association, Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, inirehistro ng Bea Bell ang tiyempong 1:25.4 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P1,080,000 premyo habang napunta kay Morning After ang P360,000.
Sinungkit ng third placer na si Over Azooming ang P180,000 habang naibulsa ng Heartening To See ang P90,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Dahil sa ipinakitang husay ni Bea Bell ay inihahanda ito ng kanyang trainer sa mas malaking karera kaya paniguradong aabangan ito ng kanyang mga tagahanga.





Comments