BDO Remit, nag-donate ng mga hygiene kit sa POEA community pantry
- BULGAR
- Jun 26, 2021
- 2 min read
ni Fely Ng - @Bulgarific | June 26, 2021

Bilang suporta sa Overseas Filipinos. Ang BDO Remit ay nag-donate ng mga hygiene kit sa community pantry na itinayo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) bilang selebrasyon ng Migrant Worker’s Day.
Hello, Bulgarians! Habang ang COVID-19 ay patuloy na nakaaapekto sa buhay ng milyun-milyong Pilipino rito man o sa ibang bansa ay patuloy pa rin ang pagsisikap para mapagaan ang mga epekto nito.
Bilang selebrasyon ng Migrant Worker’s Day, ang BDO Unibank, sa pamamagitan ng BDO Remit ay nagbigay kamakailan ng mga hygiene kit sa community pantry na itinayo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ang mga kit na may lamang alkohol, facemasks at iba pa ay makatutulong sa higit-kumulang 500 tao at magsisilbing proteksiyon para sa mga Pilipinong uuwi mula abroad, lalo na para sa mga pupunta o uuwi sa mga lugar sa bansa kung saan mayroong matataas na bilang ng kaso ng COVID-19.
Ang pagtatayo ng community pantry ay isa sa mga paraan ng POEA bilang pagdiriwang ng Migrant Worker’s Day sa taong ito. Dahil sa mga health protocol, hindi naisagawa ng ahensiya ang karaniwang programang inihahanda nito kung saan naglalahad ng mga palabas at giveaway para sa mga kliyente. Matatandaang sa ganitong paraan ipinagdiriwang ng POEA, sa tulong ng BDO, ang okasyong ito mula pa 2017.
Bilang kapalit ng mga nakasanayang gawain, nagtayo ang POEA ng community pantry upang pagaanin ang loob ng overseas Filipinos at mabigyan sila ng munting regalong magagamit laban sa virus.
Hindi ito ang unang pagkakataong namigay ang BDO Remit ng mga health kit sa gitna ng pandemya.
Noong nakaraang taon, sa tulong ng BDO Foundation, namahagi ang BDO Remit ng daan-daang bag ng mga hygiene kit sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 at Parañaque Integrated Terminal Exchange. Ang mga nasabing bag ay nakarating sa mga overseas Filipinos na pinabalik sa bansa dahil sa COVID-19.
Dagdag pa rito, ang pre-departure orientation seminar team ng BDO Remit, sa kooperasyon ng OWWA Region 6 office ay namahagi rin ng mga hygiene kit sa higit sa isandaang pinauwing marino sa Iloilo. Ang BDO Remit, sa pakikipag-ugnayan sa OWWA, Philippine Overseas Labor & Office, at Philippine General Consulate ay nakapagbigay din ng facemasks sa mga Pilipinong pinabalik sa bansa at naiwang stranded sa Macau International Airport.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng “Kayang-Kaya, Kabayan” campaign ng BDO Remit. Ang kampanyang ito ay nagsusulong na matulungan ang mga Pilipinong nasa ibang bansa at maiparamdam sa mga ito na ang BDO ay handang mag-alay ng suporta nasaanman sila sa mundo. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa BDO Remit, bisitahin ang BDO Kabayan Facebook page—ang page na ginawa ng BDO Unibank para sa overseas Filipinos.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.


Comments