BDO, hindi kailanman manghihingi ng bayad sa mga aplikante
ni Fely Ng - @Bulgarific | July 15, 2021

Hello, Bulgarians! “BABALA: MAG-INGAT SA SCAM!” Maging mas matalino kaysa sa mga scammer. Ang BDO ay hindi kailanman manghihingi ng bayad mula sa mga nag-a-apply ng trabaho.
Nakarating sa BDO Unibank ang balita na may nagpapanggap na recruiter ng bangko at niloloko ang mga aplikante na magbayad ng medical test. Muling ipinaaalala ng BDO na hindi ito nanghihingi ng kabayaran para sa anumang bahagi ng aplikasyon.
Nagsisimula ang panloloko sa pag-aanunsiyo ng job opening sa social media page na gumagaya sa opisyal na account ng BDO. Hinihikayat nito ang mga aplikante na ipadala ang kanilang CV o resume sa email address na hindi nagtatapos sa @bdo.com.ph na siyang lehitimong email domain ng bangko.
Pagkatapos nito ay pipilitin ng mga pekeng recruiter ang biktima na magpadala ng mga dokumento tulad ng certificate of employment, transcript of records, at account numbers sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Manghihingi rin ng pirma ng aplikante para sa job acceptance form kung saan may health waiver na nagsasabing dapat magbayad ang aplikante para sa medical insurance policy. Ang mga biktima ay binibigyan ng deadline para magbayad.
Maliban sa email, tumatawag din sa biktima ang mga pekeng recruiter para piliting magbayad ang mga ito para sa pag-proseso ng kanilang aplikasyon.
Iwasan ang mga pekeng recruiter
Tips mula sa BDO para malaman kung peke ba ang recruiter:
-Ang BDO ay kailanman hindi manghihingi ng bayad mula sa mga aplikante para sa job interview, exam, o medical test. Ang proseso ng aplikasyon ay libre para sa mga kuwalipikadong aplikante.
-Ang opisyal na email address ng BDO at ng mga empleyado nito ay nagtatapos sa @bdo.com.ph. Ang mga email address na hindi nagtatapos sa @bdo.com.ph ay ginawa ng mga pekeng recruiter. Halimbawa ng lehitimong email address mula sa BDO ay ang recruitment@bdo.com.ph.
- Ang BDO ay nag-aanunsiyo lamang ng job opening sa opisyal na BDO Careers page sa website nito at sa opisyal na page nito sa social media. Huwag maniwala sa mga anunsiyo ng job opening mula sa ibang website o social media page maliban sa BDO Careers: www.bdo.com.ph/careers; Facebook: https://www.facebook.com/BDOUnibank; LinkedIn: www.linkedin.com/company/bdo-unibank/; Jobstreet:
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.





Comments