BBM vs. Leni supporters, 'putulan' na ang hamon
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 29, 2022
DEATH PENALTY, TABLADO KAY VP LENI, MAS GUSTO JUDICIAL REFORMS – Sakaling magwaging presidente, sabi ni Vice Pres. Leni Robredo ay wala raw siyang planong magpairal ng death penalty dahil ayon sa kanya, noong may ipinaiiral daw na death penalty sa bansa ay hindi naman umano bumaba ang kriminalidad, kundi lalo pa raw lumala, at sa halip, ang gagawin daw ng kanyang pamahalaan ay judicial reform, na mapabilis ang paglilitis sa mga kaso.
Sa totoo lang, sa bulok na sistema ng hudikatura sa bansa ay hindi talaga dapat magpairal ng death penalty dahil mga mahihirap lang ang tatamaan d'yan at ligtas sa parusang kamatayan ang mga mayayaman, tulad halimbawa sa mga mahihirap na nagnanakaw ng pagkain, hinuhuli at ikinukulong agad, pero ang mga nagnanakaw ng bilyun-bilyong piso sa kaban ng bayan, ay mga nasa laya, tsk!
◘◘◘
KUNG PRESIDENTE TINAKBUHAN NI MAYOR SARA, MASABI PA RIN KAYA NI P-DUTERTE NA MGA ISTUPIDO LANG ANG GUSTONG MAGING PRESIDENTE NG ‘PINAS ? – Sabi ni P-Duterte ay mga istupido raw ang mga naghahangad na maging pangulo ng bansa dahil mahirap daw ang trabaho, bukod sa nakakawala ng stamina ang pagiging presidente ng bansa.
Ang tanong: Kung pagka-presidente kaya tinakbuhan ng kanyang anak na si Mayor Sara Duterte, magbigay din kaya ng ganyang statement si P-Duterte, na mga istupido lang ang mga gustong maging pangulo ng bansa?
◘◘◘
YORME, HANDA NANG MAKIPAGPATALBUGAN SA PARAMIHAN NG TAO KINA VP LENI AT BBM SA GRAND RALLY? – Pumalo sa higit 65K ang taong dumalo sa grand rally ni presidential candidate, Mayor Isko Moreno sa Lipa City, Batangas.
Kung ang lahat ng grand rally ni Isko ay ganyan lagi karami, ay ibig sabihin n'yan, makikipagtalbugan na siya kina VP Leni at former Sen. Bongbong Marcos sa paramihan ng tao sa mga grand rally, period!
◘◘◘
HAMUNAN NG 'PUTULAN' NINA ELIZABETH OROPESA AT OGIE DIAZ – Pumalag ang beteranang aktres na si Elizabeth Oropesa sa isyung may bayad daw ang mga celebrity na nagpi-perform sa BBM-Sara rally at ayon sa kanya, "ipapaputol" daw niya mga paa niya kapag may nakapagpatunay na tumatanggap sila ng bayad, pero binara ito ni Ogie Diaz, tagasuporta ni VP Leni, na nagsabi naman na ipapaputol daw niya "notes" (ari) niya, kung ipapaputol ni Elizabeth Oropesa kanyang mga paa.
Talagang painit na nang painit ang laban sa presidential election, kasi "putulan" na ang nagiging hamon ng mga tagasuporta nina VP Leni at BBM, ha-ha-ha.





Comments