- BULGAR
BBM, 'pag naging pangulo dapat tuparin ang pramis na P20 per kilo ng bigas para 'di makatikim
ng banat
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 6, 2022
IMBES SIMPATIYA, BATIKOS INABOT NI YORME SA 'HUBAD NIYANG LARAWAN' – Walang naniniwala sa sinabi ni presidential candidate, Mayor Isko Moreno na mga Kakampink o mula sa kampo ni presidential candidate, Vice Pres. Leni Robredo ang nagpakalat sa social media ng kanyang larawan na naka-brief noong kabataan niya.
Napakaimposible naman kasing pag-aksayahan pa ng panahon ng mga Kakampink si Isko na rank number 4 lang sa survey sa mga presidentiables, dahil ang pokus ngayon ni VP Leni ay si presidential candidate, former Sen. Bongbong Marcos na nangunguna sa survey.
Kaya't ang duda ng mga netizens ay mula rin sa kampo ni Yorme ang nagpakalat ng "hubad" niyang larawan para makuha ang simpatiya ng publiko, kaya lang ang problem ni Isko ay hindi simpatiya ang nakuha niya, kundi pamba-bash ng netizens, boom!
◘◘◘
KAPAG WALA NA SA PODER SI P-DUTERTE, BAKA MAKALAYA NA SI DE LIMA AT SI AGUIRRE NAMAN MAKULONG – Itinanggi ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre na siya ang nag-utos kay dating BuCor (Bureau of Correction) Director Rafael Ragos para isangkot sa droga si Sen. Leila de Lima.
Kapuna-puna na habang itinatanggi ito ni Aguirre, ay banaag sa kanyang mukha ang takot o pagkabahala.
Posible kasing mangyari na kapag idiniin siya nang husto ni Ragos sa isyung ito, ay kapag iba na ang administrasyon at wala na sa poder si P-Duterte, ay mapalaya na si De Lima at siya (Aguirre) naman ang makulong, period!
◘◘◘
KAPAG HINDI NATUPAD PROMISE NIYANG GAWING P20 PER KILO ANG BIGAS BAKA MAKATIKIM NG BATIKOS SI BBM MULA SA KANYANG MGA SUPPORTERS – Sa bibig mismo ni BBM (Bongbong Marcos) nagmula na kapag presidente na raw siya, ay gagawin daw niyang P20 ang per kilo ng bigas.
Sakaling palarin, ay dapat sa loob ng kanyang (Marcos) 100 days sa posisyon ay magawa na ni BBM na P20 ang per kilo ng bigas, kasi kung hindi ay baka ang mangyari, batikos ang abutin niya sa kanyang mga supporters, boom!
◘◘◘
MATAPOS KAINITAN PANGALAN NI NINOY, LITRATO NAMAN NIYA KINAIINITAN NG DUTERTE YOUTH PARTYLIST – Matapos hiritin ng Duterte Youth partylist sa Kongreso na tanggalin ang pangalang "Ninoy Aquino International Airport" sa pambansang paliparan, ay inihirt naman ngayon ng partylist na ito na alisin ang mukha ni former Sen. Ninoy Aquino sa P500 bill.
Hay naku, dapat sa Duterte Youth partylist na ito ay i-reject sa eleksyon ng mga kabataan, kasi imbes gumawa ng mga batas para sa kapakanan ng mga kabataan, eh ang inaatupag ay kainitan ang pangalan at mukha ni Ninoy, period!