top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Bayanihan, buhay na buhay pa rin sa mga Pinoy

BULGAR
Oct 31, 2022
1 min read

@Editorial | October 31, 2022


Kasabay ng paghagupit ng Bagyong Paeng, inirekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kay Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. ang pagdedeklara ng national state of calamity sa loob ng isang taon.


Sa pamamagitan ng state of calamity ay magagamit ng gobyerno ang pondo para rito.


Mapipigilan din ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Matutulungan din ang mga nangangailangan ng puhunan sa pamamagitan ng pautang na walang tubo.


Sa ngayon, pinag-aaralan pa umano ang nasabing rekomendasyon.


Samantala, panawagan naman sa gobyerno ang agarang paghahatid ng ayuda o tulong sa mga binagyo. Una nang tinayak ng pamahalaan na may pondo nang inilaan para sa mga biktima ng Bagyong Paeng.


Batid naman natin na sa dami ng bagyong humagupit sa bansa, may mga pagkakataon na tila hirap talagang maitawid ang tulong. Bagay na hindi rin natin masisi lalo't may mga lugar na mahirap talagang mapuntahan.


Kaugnay nito, saludo at nagpapasalamat naman tayo sa mga kababayan nating boluntaryo at sobrang bilis ng pagsaklolo sa mga biktima ng kalamidad.


Sa kabila ng pandemya at krisis, buhay na buhay pa rin ang bayanihan at pagmamahalan. Ito ang isa sa maraming maipagmamalaking katangian ng ating lahi.


Tiyak na sa mga susunod na araw ay mas bubuhos pa ang tulong para sa mga binagyo. Babaha ng pagkain, gamot, damit at iba pang suplay.


Ang mahalaga, kapit lang. Marami na tayong pinagdaanang kalamidad, walang dapat na makapagpasuko sa atin.


Hindi mahalaga kung ilang beses man tayong bumagsak, ang mahalaga ay nagagawa nating muling bumangon at lumaban.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page