top of page

Bawas-taon sa kolehiyo dahil sa SHS Program, dapat nang ipatupad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 23 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 13, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nagsagawa kamakailan ang Senate Committee on Basic education ng isang pagdinig, kung saan tinalakay natin ang mga pagbabago sa senior high school program ng Department of Education (DepEd). Nakatakdang magsagawa ang DepEd ng pilot sa mahigit 700 na mga paaralan ngayong paparating na School Year 2025-2026.


Sa ilalim ng ‘strengthened senior high school program,’ dalawa na lang ang magiging tracks ng ating mga mag-aaral. Kung dati ay apat ang tracks na pinagpipilian nila, dalawa na lang ang maaaring kuhanin ng mga estudyante: Academic at Technical Professional (TechPro). Sa ilalim din ng bagong programa ng senior high school, magiging lima na lamang ang dating 15 na core subjects. Magkakaroon din ng kalayaan ang ating mag-aaral na makapili ng mga electives batay sa kanilang interes.


Sa ginawa nating pagdinig, binalikan ng inyong lingkod ang dating ipinangakong dagdagan ng dalawang taon ang high school at bawasan ang mga taong kailangang gugulin ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Mahigit isang dekada na ang lumipas simula ng ipatupad natin ang sistema ng K to 12 at nagdagdag tayo ng dalawang taon sa high school.


Sa kabila nito, hindi pa rin natin nabawasan ang mga taon sa kolehiyo, bagay na naging dahilan kung bakit apat sa sampu nating kababayan ang nagsasabing dismayado sila sa senior high school. Sa isang Pulse Asia Survey na isinagawa noong Marso, lumalabas na ang dagdag na gastos ang pangunahing dahilan kung bakit marami pa rin sa mga kababayan ang ayaw sa senior high school.


Kaya naman para sa inyong lingkod, kailangan nating tuparin ang dati nang pangakong bawasan ang mga taong gugugulin sa kolehiyo. Sa ginawa nating pagdinig, nagmungkahi tayo ng ilang mga hakbang upang mabawasan ang mga taong dapat gugulin ng mga mag-aaral sa college.


Hinimok ng inyong lingkod ang Commission on Higher Education (CHED) na bawasan ang mga kinakailangang General Education (GE) courses sa kolehiyo, lalo na’t nagdagdag na tayo ng dalawang taon sa high school. Imbes na ituro ang mga ito sa college, tiyakin natin na ang mga aralin sa subject na ito ay naituturo na sa senior high school upang mapaigting ang kahandaan ng mga mag-aaral na pumasok sa kolehiyo.


Mahalagang tiyakin din natin na anuman ang pipiliing kurso ng mga estudyante, magkakaroon sila ng matibay na pundasyon pagpasok nila sa college.


Hinimok din natin ang CHED na tiyaking hindi na dadaan sa mga bridging programs ang mga mag-aaral sa senior high school. Iminungkahi rin natin na ituro lamang sa mga ito ang mga subjects na tulad ng art appreciation at physical education.


Patuloy nating tututukan ang isasagawang pilot ng bagong senior high school program sa pagsisimula ng susunod na school year. Panahon na upang maipakita natin sa ating mga kababayan ang benepisyo ng dagdag na dalawang taon sa high school. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page