Bawas-singil sa kuryente mas oks kesa installment
- BULGAR

- Jun 2, 2024
- 1 min read
@Editorial | June 2, 2024

Lahat ba nakapag-bill reveal na? Eh, nakapagbayad na ba? Baka ‘yung iba, putol-kuryente na?
Bagama’t inaasahan na ang mas mataas na singil sa kuryente tuwing panahon ng tag-init, marami pa rin ang nabigla sa halos dobleng itinaas.
Kaugnay nito, may panawagan sa Energy Regulatory Commission (ERC) na maglabas ng kautusan para mapahintulutan ang mga konsyumer na utay-utayin ang pagbabayad ng kanilang bill.
Ipinunto na noong panahon ng pandemya ay nagawa na ang pagpapahintulot ng installment na pagbabayad ng electricity bill nang walang interes, penalty at iba pang dagdag na charge. Sakaling payagan umano ito, dapat hindi rin muna putulan ng kuryente ang mga konsyumer na magbabayad nang pautay-utay.
Kahit paano, makakabawas sa bigat kung papayagan ang installment na pagbabayad, pero siyempre, mas malaking tulong sana kung magagawan ng paraan na mapababa ang singil sa kuryente.
Madalas ay napupunta na lang sa bayarin sa tubig at kuryente ang suweldo at bahala na kung paano maitatawid ang pang-araw-araw na pagkain at pamasahe.
Kung hindi man mangyari na bumaba ang singil sa mga serbisyo gaya ng kuryente, sana ay may gawing alternatibong paraan ang gobyerno.



Comments