Bawas-singil sa kuryente
- BULGAR

- Jun 10, 2023
- 1 min read
ni Mylene Alfonso | June 10, 2023

Sa loob ng magkakasunod na anim na buwan ngayong taon, bumaba ang singil sa kuryente ng MORE Electric and Power Corporation para sa mga residente na sineserbisyuhan nito sa Iloilo City.
Ang residential rate para sa buwan ng Mayo hanggang Hunyo ay bumaba ng halos P1 sa P12.2990 per kilowatt-hour (kWh) mula P13.2511 per kWh.
Ang pagbaba ng singil ay bunsod ng pagbaba ng generation cost, resulta umano ito ng pagdagdag ng geothermal power sa power supply mix na ginawa ng Energy Development Corp.
Ang pagpasok ng renewable energy supplier sa supply mix ay naging daan para bumaba ang value added tax(VAT) sa generation charge na nasa P0.1613 per kWh.
Ang Geothermal power ay isang renewable energy source na hindi lamang cost-effective bagkus maraming environmental benefits.
Naging malaking kontribusyon din sa pagbaba ng singil sa kuryente ang spot market price sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), ang pagbaba ng presyo ng coal gayundin ng transmission charge na bumaba sa P0.7226 per kWh mula sa P0.9057 per kWh noong nakaraang buwan.
Samantala, ayon kay Power President at CEO Roel Castro, mayroong P5 milyong pondo para sa bill deposit refund kaya hinimok nito ang mga customer na magbayad sa oras upang makwalipika sa balik-bayad.








Comments