Bawas-presyo sa gas, patak-patak lang, 'di pa rin sapat
- BULGAR

- Jun 30
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 30, 2025

Matapos ang dalawang sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel, mukhang magkakaroon din ng kahit kaunting pag-asa para sa mga tsuper, motorista, komyuter, mga mamimili at iba pa ngayong linggo.
Ayon sa pagtataya ng Unioil para sa Hulyo 1 hanggang 7, 2025, inaasahang bababa ang presyo ng diesel sa P1.70 hanggang P2.00 kada litro at gasolina sa P1.30 hanggang P1.50 kada litro.
Isa pang kumpanya ng langis ang sinasabing may paggalaw sa presyo — Jetti Petroleum, ay naglabas ng mas agresibong projection, posibleng bumaba pa ang diesel sa P1.90 hanggang P2.10, habang ang gasolina ay maaaring ibaba sa P1.50 hanggang P1.70 kada litro.
Ang rollback na ito ay iniuugnay sa pagdeklara ni US President Donald Trump ng ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran — isang diplomatikong hakbang na agad nagpalamig sa tensyon at nagpababa ng global crude oil prices.
Bagama’t tila malayo ang kaganapan, ramdam natin sa mismong pump stations ang epekto ng diplomasya.
Kamakailan lang, ginulantang ang mga Pilipino ng sunud-sunod na pagtaas — P1.75 sa gasolina, P2.60 sa diesel, at P2.40 sa kerosene — na inakyat pa sa dalawang tranches para hindi umano sabay-sabay ang pasakit. Unang tranche noong Hunyo 24, kasunod o ang pangalawa tranche naman noong Hunyo 26.
Kung susuriin, kahit pa bumaba ang presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo, hindi nito nabubura ang naunang dagdag-presyo.
Sa totoo lang, parang sinabihan lang tayong bawas-presyo ngayon pero sa kabuuan, talo pa rin dito ang masa. Tulad ng gasolinang papatak-patak, ganoon din ang ginhawang nararamdaman — saglit lang, at hindi sapat.
Ang mga global events, kahit gaano kalayo, ay may direktang tama sa ating mga bulsa. At habang ang presyo ng langis ay laging tumataas dahil sa pandaigdigang kaganapan, dapat na ring seryosohin ng pamahalaan ang mga alternatibong pagkukunan, local reserves, at mas agresibong mass transport programs para hindi tayo laging bihag ng ganitong nakakahilong taas-baba ng presyo ng langis.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments