Bawas-buwis at subsidiya, sagot sa bigtime oil price hike
- BULGAR

- 1 day ago
- 1 min read
by Info @Editorial | March 8, 2026

Sa harap ng nakaambang malaking dagdag-presyo sa petrolyo, hindi sapat ang katahimikan at mabagal na reaksiyon mula sa pamahalaan.
Bawat pagtaas ng presyo ng langis ay direktang tumatama sa bulsa ng karaniwang Pilipino—sa pamasahe, sa presyo ng pagkain, at sa pang-araw-araw na gastusin ng bawat pamilya.
Kung patuloy na tataas ang presyo ng petrolyo, tiyak na kasunod nito ang domino na pagtaas ng iba pang bilihin.
Hindi na bago ang ganitong sitwasyon. Tuwing may oil price hike, ang laging paliwanag ay tungkol sa galaw ng pandaigdigang merkado na ngayo'y mas pinatindi umano dahil sa giyera sa Middle East.
Ngunit ang tanong ng mamamayan ay simple: nasaan ang agarang aksyon ng gobyerno? Hindi maaaring manatili lamang sa panonood habang unti-unting pinipiga ng mataas na presyo ng langis ang kabuhayan ng taumbayan.
Panahon na upang gumawa ng mabilis at konkretong hakbang. Maaaring simulan sa pansamantalang pagbawas ng buwis sa petrolyo upang maibsan ang bigat sa presyo.
Kailangang palakasin ang subsidiya para sa mga tsuper at sektor ng transportasyon na unang naaapektuhan ng pagtaas ng diesel at gasolina.
Higit sa lahat, dapat maging mahigpit ang pagbabantay sa industriya ng langis upang maiwasan ang anumang uri ng pang-aabuso sa presyo.
Ang gobyerno ay may tungkuling protektahan ang kapakanan ng mamamayan, lalo na sa panahong ang bawat sentimo ng dagdag-presyo ay may katumbas na hirap para sa milyun-milyong Pilipino.


Comments