top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Bawal gumamit ng chainsaw na hindi rehistrado

BULGAR
Nov 18, 2022
3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 18, 2022


Dear PAO,


Nais namin bumili ng chainsaw para sa pagpapanatili ng kaayusan sa aming mumunting bukirin dahil nakakapagod na ang manu-manong pagpuputol ng mga sanga ng puno sa aming lupa, lalo na para sa matatanda. Nang sinubukan namin magpunta sa bilihan ng mga segunda-manong chainsaw ay nasabihan kami na kailangan pa diumano na iparehistro ito sa gobyerno. Nasa batas ba talaga na kailangan pa ang pagpaparehistro kahit hindi naman talaga kami mangangahoy at tanging sa paglilinis lang ng aming bukirin ang gamit nito? Kung sakali namang maparehistro ang chainsaw ay gaano katagal ang bisa ng rehistro? Sana ay mapayuhan ninyo kami. - Dan


Dear Dan,


Bilang sagot sa iyong katanungan, tayo ay sasangguni sa Republic Act No. 9175 (RA 9175), na kilala bilang “Chain Saw Act of 2002”. Ang batas na ito ay ipinasa bilang bahagi ng patakaran ng Estado na isaayos ang pag-aari, pagkakaroon, pagbebenta, paglipat, pag-angkat at paggamit ng mga de-kadenang lagare o chainsaw upang matiyak na hindi ito magagamit sa ilegal na pangangahoy o pagputol ng mga puno. (Sec. 2)

Para sa iyong kaalaman, binibigyang-kahulugan ng batas ang chainsaw bilang pantukoy sa anumang uri ng nabibitbit na lagare o kahalintulad ng pamutol na gumagamit ng kuryente, krudo o iba pang kahalintulad na paraan na maaaring gamitin sa mga gawaing tulad ng pagputol ng puno o mga kahoy. Ang mga portable rotary lather, mobile/portable band saw, wood chipper, wood mizer at wood edger ay kabilang din sa mga itinuturing na uri ng chainsaws. (DENR Administrative Order No. 2018-09 Sec. 1)


Inilabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Administrative Order No. 2003-24, series of 2003, na siyang naglalatag ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas. Sa ilalim ng IRR, tanging mga taong pinahintulutan ng DENR lamang ang maaaring bumili, maglipat ng pag-aari, mag-angkat, gumawa at magbenta ng mga chainsaw. (Sec. 5) Magbibigay ng katibayan ng pagtala o certificate of registration ang DENR sa mga kuwalipikadong aplikante para rito na siya ring magsisilbing katibayan ng pagkakaroon ng nabanggit na pahintulot mula sa DENR. (Sec. 6 & 7)

Para sa mga nagnanais makapagpatala ng chainsaw, kinakailangan nilang magsumite ng kanilang aplikasyon para sa pagpapatala sa tanggapan ng Community Environment and Natural Resources Officer (CENRO) at magbayad ng kaukulang halaga sa pagpapatala rito. Ang mga dokumentong kailangan sa nasabing pagpapatala ay nakadepende sa uri ng paggagamitan at kung sino ang gagamit ng chainsaw, tulad ng mga industrial tree farmers, licensed wood processors at iba pang tao na makapagpapatunay na ang kanilang paggamit ng chainsaw ay para sa legal na gawain. (Sec. 8)


Patungkol naman sa hangganan ng bisa ng nasabing pagpapatala, nasasaad sa IRR na ang bisa ng certificate of registration para sa lehitimong paggamit ng chainsaw ay tatagal ng dalawang taon at maaaring ipa-renew ng panibagong dalawang taon. Para naman sa mga non-commercial orchard at fruit tree farmers, at mga kahalintulad nito na hindi pinagkakakitaan ang pagputol ng kahoy, may bisa ng hanggang limang taon ang kanilang certificate of registration na maaaring ipa-renew ng parehong haba ng bisa. (Sec. 7)


Bilang panghuli, mabuting ipaalala na alinsunod sa nabanggit na IRR, may parusang multa o hindi kaya'y pagkakakulong ang pagbenta at pagbili ng chainsaw nang walang kaukulang mga papeles, na dagdag pa sa parusa ng pagkumpiska rito, matapos sumailalim sa tamang proseso. (Secs. 12-14)


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page