top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Batas vs. pang-aabuso sa mga lolo’t lola, inihahanda na

BULGAR
Sep 27, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 27, 2022


Mahaharap sa parusa ang sinumang masasangkot sa anumang klase ng pang-aabuso at pag-abandona sa mga lolo’t lola sa bansa.


‘Yan ay kung mapagtitibay bilang batas ang House Bill (HB) 5116 o ang Senior Citizens Protection Act na layong gawing krimen ang pang-aabuso at pag-abandona sa mga senior citizens.


Sa ilalim ng panukalang batas, itatatag ang National Senior Citizen Help Hotline na maaaring ma-access ng mga biktima, gayundin ang mga concerned citizens na nais mag-report ng mga pang-aabuso sa matatanda.


Gayundin, lilikha pa ng Senior Citizens Help Desk sa bawat barangay na pangangasiwaan ng mga may kakayahang welfare officers na magbibigay ng agarang tulong sa mga biktima.


Base sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), isa sa kada anim na senior citizens ang nakakaranas ng iba’t ibang uri ng pagmamaltrato noong 2021, habang tumaas pa ito sa panahon ng COVID-19 lockdown.


Sa totoo lang, nakakalungkot dahil masakit mang isipin, pero totoong nangyayari ang mga pang-aabusong ito sa nakatatanda. Ang masaklap, mismong kaanak o anak ang gumagawa ng pang-aabuso o nag-aabandona sa kanila.


Kaya naman nakakadismaya na kailangan pang magkaroon ng batas upang maiwasan ang ganitong insidente, gayung puwede naman tayong magkusa na ‘wag silang abusuhin o pabayaan.


Pero dahil hindi talaga naiiwasan dahil sa mga walang konsensya, no choice kundi magpatupad nito.


Kaya naman hiling natin sa mga kinauukulan na bilisan ang pagpasa sa batas upang mas marami pang lolo’t lola na maproteksyunan. Gayunman, dapat malinaw sa batas kung ano ang pang-aabuso at mga uri nito, gayundin ang parusang kakaharapin ng sinumang lalabag. Kaanak man o hindi ang masasangkot sa pang-aabuso, ‘wag palampasin at dapat panagutin.


Walang lolo’t lola na dapat makaranas ng anumang klase ng pang-aabuso at pagpapabaya. Kung maipapasa bilang batas, tiyaking may ngipin ito at matuturuan ng leksyon ang lalabag.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page