Batas sa SIM, huwag sanang 'butas'
@Editorial | October 15, 2022
Sa loob ng 60-araw, ilalabas na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang implementing rules and regulations (IRR) ng SIM Registration Law.
Bagama't ang bagong panukala ay naging epektibo 15-araw matapos itong mailathala noong Miyerkules sa Official Gazette, kailangan pa rin ang IRR bilang blueprint nito.
Dapat balangkasin ang mga pagkakasala na isasailalim sa batas at ang proseso ng pagpaparehistro, kasama kung online o offline.
Una nang nilagdaan ang Seksyon 12 ng Republic Act 11934, na nagsasaad na ang National Telecommunications Commission sa pakikipag-ugnayan sa DICT at iba pang ahensya at grupo ay gagawa at magpapalabas ng IRR ng panukala.
Ang pagpaparehistro ng mga bago at umiiral na SIM ay gagawin online, gayundin ang pagsusumite ng government-issued ID na may larawan para sa verification ng pagkakakilanlan ng nagparehistro.
Mahirap umano ang onsite registration dahil madudumog ng mga tao lalo pa’t nasa 144 hanggang 155 milyon ang mga na-issue na mga prepaid cards.
Sana maging malinaw at maayos ang ilalabas na IRR. Sana ang nasabing batas ay hindi 'butas' para 'di makalusot ang mga pasaway.
At ang mga parusang nakapataw, tiyaking mangyayari at hindi mayayari ng mga sindikato, makapangyarihan at iba pang masasamang loob.



Comments