Batas sa SIM card, safe nga ba?
@Editorial | April 19, 2023
Ilang araw bago ang itinakdang deadline sa pagrerehistro, inihain sa Korte Suprema ang isang petisyon na naglalayong ideklarang labag sa Konstitusyon ang mandatory SIM (subscriber identity module) Registration Act.
Hiling ng mga petitioner, kabilang ang National Union of Journalists of the Philippines ang pansamantalang restraining order para itigil ang pagpapatupad ng batas.
Nais din ng grupo na atasan ng Kataas-taasang Hukuman ang telecommunications companies (telcos) na ihinto ang paggamit ng impormasyong naka-store sa rehistradong SIM card at burahin ang mga datos na nakalap. Ang mga ito ay paglabag umano sa freedom of speech.
Binigyang-diin din na ang batas ay lumalabag umano sa privacy ng SIM users sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga awtoridad sa pag-access sa nakarehistrong SIM card, hindi sa pamamagitan ng mga warrant na ibinigay ng korte, ngunit sa bisa ng isang simpleng subpoena lamang.
Mas masahol pa umano na pinapayagan ng batas ang mga awtoridad na kunin ang pagkakakilanlan ng sinumang rehistradong Pilipino gamit ang kanilang mga spoofed SIM card at maharang ang lahat ng komunikasyon at data.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), nitong Abril 16, umabot na sa mahigit 71 milyon o 42.82% ng mga gumagamit ng SIM ang nakarehistro na.
Kaya ang tanong ngayon, safe nga ba ang batas sa SIM card?
Ito ang bagay na dapat tiyakin ng mga awtoridad bagama’t batas na, may pagkakataon pa naman para muling pag-aralan o mas maipaliwanag sa taumbayan ang lahat ng usapin sa SIM registration bago pa may mangyaring aberya, problema o paglabag sa batas at karapatan ng mamamayan.



pabor po ako sa registered SIM dahil talamak ang scam at hacking.. kung wala Kang ginagawang anomalya anong ikabahala mo? human rights violation at pglabag sa freedom of speech ba Kamo? eh paano yong rights ng mga biktima ng scam at hacking?