top of page

Batas na ang P10K teaching allowance para sa mga guro!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 11, 2024
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 11, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Magandang balita para sa ating public school teachers dahil ganap nang batas ang ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act!’ 


Matatandaang niratipikahan ito ng Kongreso nitong nagdaang Marso lang. Sa batas na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos,Jr. noong nakaraang linggo, ang dating P5,000 na teaching allowance ng public school teachers, magiging P10,000 na. 


Nakasaad sa bagong batas na matatanggap ng mga guro sa mga public school ang mas mataas na teaching allowance mula School Year 2025-2026. Maaaring gamitin ang teaching allowance para sa pagbili ng mga kagamitan at materyal sa pagtuturo, pambayad sa mga karagdagan at hindi inaasahang gastusin, at sa pagpapatupad ng iba’t ibang paraan ng pag-aaral at pagtuturo. 


Alam naman nating mula pa noon ay madalas nang nag-aabono ang ating mga guro para sa mga binibili nilang kagamitan sa pagtuturo. Mas lumala pa ang suliraning ito noong magsimula ang pandemya, halimbawa ang pagbili nila ng load para makakonek sa internet at makapagsagawa ng online class. Kaya naman napapanahon na talagang itaas ang kanilang teaching allowance bilang tulong sa kanilang mga gastusin at sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 


Titiyakin ng bagong batas na magiging bahagi na ng taunang budget ang pagkakaroon ng sapat na pondo para sa karagdagang teaching allowance. Noong mga nagdaang taon kasi, nakadepende sa Kongreso kung makakatanggap ng teaching allowance ang mga guro. Hindi rin papatawan ng income tax ang naturang allowance. 


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education at isa sa mga may akda ng batas, bahagi ang inyong lingkod sa pagsusulong ng pagpasa sa Senado noong 17th at 18th Congress ng mga panukala na itaas ang allowance ng ating public school teachers para sa pagbili ng kanilang mga teaching supply. 


Ang mga guro ang puso ng karunungan. Sa ating pagtugon sa mga hamon sa sektor ng edukasyon, mahalaga na ibigay natin ang lahat ng suporta sa kanila para sa sariling kapakanan at maging sa kapakanan ng mga estudyanteng kanilang tinuturuan. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, titiyakin natin ito. 


Laking pasasalamat din ang ating ipinaaabot kay Senador Bong Revilla na chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation para sa pag-sponsor ng bagong batas.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page