- BULGAR
Batang Azkals, ginapi ang Afghan sa AFC U-2O
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 20, 2022

Uuwing masaya ang Pilipinas matapos talunin ang Afghanistan, 1-0, sa pagtatapos ng 2023 AFC Under-20 Asian Cup Qualifiers Lunes ng madaling araw sa Al-Saada Sports Complex ng Salalah, Oman.
Ito ang unang panalo ng Batang Azkals na nagbigay sa kanila ng ikatlong puwesto sa apat na bansa sa Grupo G subalit hindi sapat upang tumuloy sa torneo sa susunod na taon sa Uzbekistan.
Naitala ni Kamil Amirul ang nag-iisang goal ng laban sa ika-83 minuto salamat sa eksaktong pasa mula sa free kick ng reserbang si Gavin Muens. Pinalitan ni Muens si Justin Frias sa ika-68 minuto at iyan ang naging susi sa tagumpay.
Ito ang ikalawang goal ni Amirul sa torneo. Sa kanya rin ang nagpalamang na goal kontra Thailand noong isang araw, 2-1, subalit hindi napanatili ang mga Pinoy ang enerhiya at tuluyang yumuko, 3-2.
Binuksan ng Batang Azkals ang kanilang kampanya sa isang 3-0 talo sa host Oman.
Nagtapos na numero uno ang Oman sa grupo na may dalawang panalo at isang talo na parehong kartada sa Thailand subalit nasa host ang tiebreaker sa bisa ng kanilang 1-0 tagumpay sa Thailand sa sumunod at huling laro.
Tabla rin ang Pilipinas at Afghanistan sa 1-2 panalo-talo subalit nasa Pinoy ang tiebreaker. Maghihintay ang Thailand ng kumpletong resulta sa iba pang mga grupo kung mapapabilang sila sa limang iba pang bibigyan ng tiket patungong Uzbekistan maliban sa 10 kampeon ng bawat grupo.
Samantala, magbubukas ngayong Martes ang Round 2 ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa tapatan ng Dynamic Herb Cebu FC at Maharlika Manila FC sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite simula 4 p.m.