Batang Azkals, babawi sa AFF-U16, Young Filipinas talo sa Myanmar
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 29, 2022

Maagang nagpaalam ang Pilipinas sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Under-18 Women’s Championship matapos yumuko sa Myanmar, 3-1, noong Miyerkoles ng gabi sa Jakabaring Athletic Field sa Palembang, Indonesia. Ito ang ikalawang sunod na talo ng mga Pinay na nagsara ng pinto ng semifinals sa kanila.
Humataw ng dalawang goal sa first half ang Myanmar na apat na minuto lang ang pagitan salamat kay Hnin Myint Aye sa ika-33 at Su Myat Noe sa ika-37 minuto. Lumaki ang problema at napilitang maglaro ang mga Pinay na 10 na lang matapos palabasin si defender Rae Mikella Tolentino sa second half.
Hindi sumuko ang Pilipinas at nabawi ni forward Jonalyn Lucban ang isang goal sa ika-87 minuto subalit kinulang sila ng oras. Naging saglit lang ito at naihabol ni Myint Aye ang kanyang ikalawang goal ng laban bago ang huling pito ng reperi sa ika-90 minuto.
Sa sumunod na laro, bumuhat ng mga goal sa 8-0 panalo ng Australia sa Malaysia. Dahil dito, pasok na sa semifinals ang parehong walang talong Australia at Myanmar at magtatapat sila ngayong araw para sa magiging numero uno sa Grupo B papasok sa semifinals sa Martes.
Maglalaro rin ang Pilipinas at Malaysia sa mas malaking Gelora Jakabaring Stadium para sa ikatlong puwesto sa grupo at tapusin ang torneo na may bitbit na tagumpay. Sabay gaganapin ang dalawang laro sa 4:30 p.m. oras sa Pilipinas.
Samantala, mga Batang Azkals ang susunod na kakatawan sa bansa sa 2022 AFF Under-16 Youth Championship simula Hulyo 31 sa mga lungsod ng Sleman at Bantul sa Indonesia pa rin. Nabunot ang mga Pinoy sa Grupo A kasama ang Vietnam, Singapore at host Indonesia.
Unang haharapin ng Batang Azkals ang Indonesia sa Hulyo 31 sa Sleman. Ang iba pa nilang laban ay kontra Vietnam sa Agosto 3 at Singapore sa Agosto 6 na parehong gaganapin sa Bantul.





Comments