Batanes, nasa Signal No. 2 dahil kay ‘Henry’
ni Lolet Abania | September 2, 2022

Itinaas sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 ang Batanes island habang ang Bagyong Henry ay patuloy na humihina at dahan-dahang kumikilos pahilagang kanluran patungong Philippine Sea, batay sa ulat ng PAGASA ngayong Biyernes.
Sa kanilang 11AM bulletin, ayon sa PAGASA ang gale-force winds ay iiral o inaasahan ito sa loob ng 24 oras sa Batanes.
Inilagay naman sa TCWS No. 1, kung saan malalakas na bugso ng hangin ang umiiral o inaasahan sa loob ng 36 oras sa Babuyan Islands at sa northeastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana).
Pumasok si ‘Henry’ sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bilang isang super typhoon subalit humina ito na naging typhoon level madaling-araw ng Biyernes.
Sinabi rin ng PAGASA na katamtaman hanggang sa malakas at paminsan-minsang matinding mga pag-ulan ang mararanasan sa Ilocos Region, Batanes, Babuyan Islands, Apayao, at Abra, habang mahina hanggang sa katamtaman at paminsan-minsang malakas na pag-ulan ay posible sa buong Cagayan.
Batay sa report ng GMA News, maraming residente ng Batanes ang naglagay na sa mga bintana ng panangga sa kanilang mga tirahan bilang paghahanda sa Bagyong Henry.
Pinayuhan din ang mga magsasaka na kanilang anihin na ang mga pananim nang maaga at ilagay din ang kanilang mga alagang hayop sa ligtas na lugar.
Marami rin sa mga residente ng Aparri, Cagayan, ang pinatibay na ang kanilang mga tirahan laban sa posibleng paghagupit ng Bagyong Henry.
Sa ngayon, isa na ang nai-report na namatay ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil kay ‘Henry.’
Ayon sa NDRRMC, isang magsasaka mula sa Mayoyao, Ifugao, ang nasawi dahil sa landslide nitong Huwebes.
Samantala, ayon sa PAGASA, ang Southwest Monsoon ay magdudulot ng mga pag-ulan sa Isabela, western portion ng Central Luzon, at ang ga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region (CAR) sa susunod na 24 oras.
Habang isang gale warning ay in effect sa northern at eastern seaboards ng Northern Luzon at eastern seaboard ng Central Luzon dahil na rin kay ‘Henry’.
“Henry may bring moderate to rough seas to the eastern seaboard of Southern Luzon (1.2 to 3.0 m) in the next 24 hours, which may be risky for those using small seacraft,” pahayag ng PAGASA.
Pinapayuhan din ang mga mariner na magsagawa ng mga precautionary measures sakaling sila ay maglalayag sa dagat at kung possible ay iwasan muna nilang pumalaot.
Inaasahang si ‘Henry’ ay patuloy na kikilos dahan-dahan ng pahilagang kanluran ngayong Biyernes bago ito unti-unting bumibilis pahilaga.
Base sa forecast track, ang Bagyong Henry ay maaaring lumabas ng PAR sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.
Sa 10AM bulletin ng PAGASA, ang sentro ng mata ng Bagyong Henry, base sa lahat ng available data, ay tinatayang nasa layong 365 km east northeast ng Itbayat, Batanes (21.7°N, 125.2°E). Habang may maximum sustained winds ng 165 km/h malapit sa sentro, gustiness na aabot hanggang 205 km/h, at central pressure na 930 hPa, habang kumikilos ito dahan-dahan ng pahilagang kanluran.





Comments