Basura, sakit sa ulo mula noon hanggang ngayon
@Editorial | November 3, 2022
Sangkatutak na basura na naman ang nakolekta sa mga sementeryo nitong Undas.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), nakapuno sila ng pitong trak ng mga basura sa iba't ibang libingan sa Metro Manila.
Katumbas nito ang 24.2 tonelada o 85.2 cubic meters ng basura att nagpapatuloy pa ang paglilinis sa mga sementeryo.
Tuwing may kaganapan sa bansa, kung saan nagkakatipon ang publiko, palaging paalala ng kinauukulan na maging responsable at kasama na riyan ang usapin sa basura.
Batid naman natin ang grabeng epekto ng basura, lalo na kapag panahon ng bagyo. Ito ang isa sa mga nagpapalala ng baha.
Kung lahat lang sana ay kayang iwasan o makapagbawas ng basura, napakalaking tulong nito. Ganundin ang wastong pagtatapon ng basura.
Turuan natin ang mga bata na sa kanilang murang edad ay maging responsable sa basura, ipaunawa ang kahalagahan nito at siyempre mas madali nila itong matututunan kung nakikita sa ating nakatatanda.



Comments