Basilan, wagi sa overtime, Mindoro, inisahan ang Gensan
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 20, 2021

Kinailangan ng Jumbo Plastic Medical Depot-Basilan ang dalawang overtime upang masugpo ang hamon ng Laguna Krah Asia, 98-95, sa umiinit na laro sa CTG Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Invitational 2021 kahapon sa MOA Arena. Ngayong araw ang pagtatapos ng elimination round at ngayon din matutukoy ang walong koponan na papasok sa quarterfinals.
Pinulot ni Jay Collado ang mintis ng kakamping si Michael Juico para sa nagpalamang na dalawang puntos na may 12 segundo sa orasan, 96-95. May pag-asa pa rin ang Laguna matapos magmintis ng apat na free throw ang Basilan subalit hindi nila ito nagawan ng paraan na baligtarin ang resulta.
Ito na ang ika-4 nilang sunod na panalo at sisikaping walisin ang Grupo C ngayong huling araw ng elimination round laban sa FSD Makati Blazers. "Magsisiguro kami at kukunin namin ang panalo para walang komplikasyon," wika ni Coach Jerson tungkol sa laro nila ngayon kontra FSD Makati Blazers simula 7:30 p.m.
Sa unang laro, wagi ang EOG Burlington-Mindoro sa GenSan Warriors, 87-73. Kahit wagi, hindi pa rin pasok ang Mindoro at inamin ni Coach Britt Reroma na ang tangi nilang pag-asa makapasok ay nakasalalay sa pagkatalo ng Buracai de Laiya-Imus sa EMKAI XentroMall Rizal Golden Coolers o ang Manila Stars sa Bulacan Kuyas.
Namuno sa Mindoro si Allen Liwag may 23 puntos at 14 rebound. Sinundan siya ni Jeramer Cabanag na may 16 puntos para sa kartadang 4-1.





Comments