Basheirrou, inaabangan
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | June 18, 2022
Nakaabang ang mga karerista kay Basheirrou sa magaganap na 2022 PHILRACOM "2nd Leg Triple Crown Stakes Race" na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas, bukas ng hapon.
Atat na ang mga liyamadista na mapanood muli si Basheirrou dahil malaki ang tsansa nitong mawalis ang tatlong legs.
Ipinakita ni Basheirrou ang husay nito sa mga karera na kanyang sinalihan.
Nasungkit ni Basheirrou ang unang leg at maraming karerista ang humanga sa ipinakita nitong tikas.
Muling rerendahan ni class A rider Kelvin Abobo si Basheirrou, naipanalo ng hinete ang kabayo noong Mayo 15 sa pista ng San Lazaro sa Carmona, Cavite.
May P3.5M na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, makakatagisan ng bilis ni Basheirrou sina Kaboom, Gomezian, Radio Bell, Enigma Uno, Brother Son at Jungkook.
Nakalaan ang P2.1M para sa mananalong kabayo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Sakaling manalo si Basheirrou, mamumuro ito sa pagwalis ng triple crown series na huling nakagawa ay si Heneral Kaalentong noong 2020.
Samantala, tiyak na magdadagsaan ang mga karerista sa karerahan upang masaksihan ang bakbakan ng mga tigasing kabayo sa triple crown.





Comments