top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Basheirrou, bumida sa Road to Triple Crown

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 26, 2022
2 min read

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | April 26, 2022


Pinakain ng alikabok ni Basheirrou ang mga nakatunggali matapos angkinin ang 2022 PHILRACOM "Road to Triple Crown Stakes Race" noong Linggo nang hapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.


Umalalay mula si Basheirrou sa largahan, sinundan lamang nito ang humaharurot sa arangkadahan na si King Hans at pagsapit ng kalagitnaan ng karera ay inagaw na ng winning horse ang unahan.


Nirendahan ni class A rider Kelvin Abobo, apat na kabayo agad ang lamang ni Basheirrou at pagsapit ng far turn ay umabot na sa lima.


Kaya naman sa rektahan ay mag-isa na lang ito sa unahan at magaan na tinawid ang meta. Inilista ni Basheirrou ang 1:28 minuto sa 1,400 meter race sa event na suportado ng Philippine Racing Commission sa pamumuno ni Chairman Reli De Leon.


Kinubra ni Basheirrou ang P300,000 habang tig-P100,000 at P50,000 sina 2nd at 3rd placers Eazacky at Ipolitika ayon sa pagkakasunod.


Samantala, papalapit na ang araw ng paghaharap ng mga champion horses sa 2022 PHILRACOM "Chairman's Cup" kaya halos araw araw na itong napag-uusapan sa social media.


Kanya-kanyang kuro-kuro kung sino ang mananalo sa nasabing event na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa Mayo 8.


Nominado sina Boss Emong, ang kampeon sa katatapos na 2022 Philracom Road to Chairman's Cup at 2022 Philracom Classic Cup ruler Super Swerte.


May distansiyang 2,000 meter race, nakatokang hinete kay Boss Emong na pag-aari ni Edward Vincent Diokno ay si star jockey Jeffrill Tagulao Zarate, habang kay Super Swerte na pambato ni Sandy Javier, Jr. ay si Jessie Basilio Guce.


Nagsaad din ng pagsali sa karerang may P2.5M guaranteed prize ay sina 2020 Presidential Gold Cup champion Pangalusian Island, Big Lagoon at Isla Puting bato.


Hahamigin ng unang kabayong tatawid sa meta ang premyong P1.5M, hindi naman uuwing luhaan ang second placer dahil tumataginting din na P562,500 ang masusungkit, P312,500 naman ang sa 3rd, habang P125,000 ang makakamit ng 4th.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page