Basehan para sa sustento sa anak
- BULGAR
- May 4, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 4, 2023
Dear Chief Acosta
Limang taon na ang nakalipas simula nang maghiwalay kami ng asawa ko. Naiwan
sa aking pangangalaga ang nag-iisa naming anak. Lagi kaming nagtatalo sa tuwing napag-uusapan namin ang pinansyal na suporta para sa aming anak. Karaniwan, P2,000 kada buwan lamang ang ipinadadala niya. Sa totoo lang, ang halagang ito ay kulang na kulang para sa lahat ng pangangailangan ng aming anak. Magkano ang maaari kong hingin mula sa ama ng aking anak? –Reena
Dear Reena,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Articles 201 at 202 ng ating Family Code of the Philippines, na nagsasaad ng mga sumusunod:
“Art. 201. The amount of support, in the cases referred to in Articles 195 and 196, shall be in proportion to the resources or means of the giver and to the necessities of the recipient.
Art. 202. Support in the cases referred to in the preceding article shall be reduced or increased proportionately, according to the reduction or increase of the necessities of the recipient and the resources or means of the person obliged to furnish the same.”
Ayon sa nasabing batas, dapat bigyang-diin na walang tuntunin pagdating sa pagkalkula ng halaga ng suporta. Ang tanging pamantayan na itinakda ng Article 201 ng Family Code ay dapat na naaayon ang suporta sa mga mapagkukunan o kaparaanan ng nagbibigay at mga pangangailangan ng tumatanggap. Ito ay isang patas at pantay na sukatan para sa suporta. Sa huli, hindi maibibigay ng isang tao ang wala sa kanya o higit sa kanyang kapasidad.
Sa iyong sitwasyon, maigi na alamin mo muna kung ano ba ang kapasidad ng iyong asawa na magbigay ng suporta at timbangin ito sa kung ano naman ang mga pangangailangan ng iyong anak. Ito ang mga magiging pamantayan kung mayroon bang basehan upang itaas ang halaga ng suportang dapat ibigay ng iyong asawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments