Barangay, 'wag patulug-tulog sa pansitan
- BULGAR
- Jan 28, 2023
- 1 min read
@Editorial | Enero 28, 2023
Tatlong buhay ng kabataan ang nawala sa isang iglap.
Ito ay matapos ang gulo sa pagitan ng dalawang grupo ng kabataang kalalakihan sa Lungsod ng Cavite. Nagkahabulan at nagkabatuhan hanggang sa sumaklolo na ang mga opisyal ng barangay.
Gayunman, isa sa mga suspek ay napaulat na mayroong granada na sumabog habang nagaganap ang gulo na ikinasawi ng tatlong kabataan.
Kaugnay nito, nagpatupad na ng curfew hours.
Sa inilabas na abiso ng local government unit (LGU), lahat ng edad 18 pababa ay hindi papayagang makalabas sa oras na alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.
Hindi lang ito minsan nangyayari, at hindi lang sa isang lugar. Ilang insidente na rin ng riot ang naganap at may mga kabataan talaga ang namamatay.
Minsan ay nagsisimula ang away sa simpleng banasan sa computer games, parinigan sa social media hanggang sa dinadala na sa kalsada ang away.
Kapag sumiklab na ang gulo, wala na silang pakialam sa paligid, sa mga awtoridad o kung may inosenteng madamay.
Kaya unang inaasahan ang puwersa ng mga nasa Barangay.
Bago pa man lumala ang sitwasyon, gawan na natin ng paraan.
Hindi dapat patulug-tulog sa pansitan. Laging mag-ikot, sawayin ang mga matitigas ang ulo at pauwiin ang mga tambay, lalo na ang mga kabataan kapag lumalalim na ang gabi.
Pero higit sa Barangay, tayong mga magulang ang dapat na nagbabantay sa mga kabataan.
Bagama’t minsan ay mahirap unawain ang mga kabataan, wala tayong magagawa kundi ang gabayan sila para hindi mapariwara o mapahamak.



Comments