Barangay at SK Elections, ituloy para sa ekonomiya
- BULGAR
- May 18, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | May 18, 2022
TUTOK naman ngayon ang lahat kung sino ang itatalaga ni BBM sa gabinete.
Nauna na nang inihayag si VP-elect Inday Sara sa DepEd at MMDA Chairman Benhur Abalos sa DILG.
◘◘◘
MAHALAGANG matitino at may malinaw na track record at kuwalipikasyon ang mga dapat na maitalaga ni BBM.
Kasi’y kapag kaduda-duda ang personalidad at walang maayos na reputasyon, ikasisira ito ng Marcos Administration II.
◘◘◘
IMINA-MARITES naman ang anak ni ex-PGMA na si Rep. Mikee Arroyo na itatalaga sa Department of Energy (DOE).
Marami ang nagtaas ng kilay, si Mikee sa DOE?
Kinukuwestyon dito ang kredibilidad at kakayahan ni Mikee na pamunuan ang isang “highly sophisticated agency” tulad ng DOE.
Ano ang gagawin niya dun?
◘◘◘
KRISIS sa enerhiya at ekonomiya ang responsibilidad ng mamumuno sa DOE lalo’t maselan ang isyu sa oil price at mataas na singil sa elektrisidad.
Ang kuwalipikasyon lang ni Mikee ay pagiging anak ni ex-PGMA.
◘◘◘
DIREKTANG kinokontra ng mga opsiyal ng ECOP, PCCI at PHILEXPORT ang tsismis na italaga ang isang pulitiko sa DOE.
Isang pulitiko si DOE Secretary Alfonso Cusi, wala siyang landmark achievement sa larangan ng energy, uulitin na naman ba ang ganyang diskarte?
◘◘◘
AYON sa lider ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP), Philippine Chamber of Commerce (PCCI) at Philippine Exports Confederation (PhilExport) na si Sergio Ortiz- Luis, Jr., isang teknokrat dapat ang maitalaga sa DOE.
Sopistikadong departamento ang DOE — pero direktang may kaugnayan ito sa produksyon at distribusyon ng petrolyo, elektrisidad, LPG at iba pa — paano magagampanan ito ng isang pulitiko?
◘◘◘
MAS okey sana, sakaling maipit si BBM ay humugot na lang siya ng isang “career-based” executive sa loob mismo ng DOE na kabisado na agad ang pasikot-sikot sa problemang pang-enerhiya.
Isang malaking paghamon ito kay BBM na maipatupad niya ang pangakong ibaba ang singil sa elektrisidad.
◘◘◘
USAP-USAPAN na agad ang Barangay at SK election sa Disyembre, 2022.
Hindi na ito dapat ipagpaliban pa, dahil ilang beses na itong kinansela.
◘◘◘
ANG eleksyon ang kaluluwa sa demokratikong gobyerno, No.1 prayoridad ito dapat sa pagpopondo.
Pinasisigla ng eleksyon ang demokrasya na nagpapatibay sa Republika.
◘◘◘
SA Pilipinas, ang eleksyon ay nagpapasigla rin ng ekonomiya dahil sa aktibong pakikilahok ng mga lider.
Kung itutuloy ang eleksyon sa Disyembre, mula ngayong Mayo at Hunyo — didiretso ang sigla ng ekonomiya sa higit na 43,000 barangay sa buong bansa.
◘◘◘
MAGKAKAROON ng oportunidad ang ordinaryong mamamayan na hatulan o husgahan ang performance ng kani-kanilang lider sa barangay batay sa response sa pandemic.
Ibig sabihin, bigyan natin ng pagkakataon ang ordinaryong mamamayan na ipahiwatig o iparamdam ang kanilang desisyon at emosyon sa performance ng kanilang mga lider.
◘◘◘
KAPAG may eleksyon, hindi lamang, sisigla ang demokrasya, sisigla ang ekonomiya, bagkus ay sisigla ang pagkilos ng mga tao sa barangay.
Isang iskema rin ito upang maibsan ang depresyon ng mga tao sa gitna ng krisis.








Comments