Search
  • BULGAR

Bantayan ang pagdami ng teenage pregnancy sa gitna ng COVID-19

Updated: Jun 24

ni Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 23, 2020



Sa panahon ng krisis na dulot ng pandemya, pinangangambahang umakyat ang mga kaso ng teenage pregnancy o maagang pagbubuntis sa ating bansa.

Kung susuriin natin ang mga nagdaang kalamidad o sakuna at iba pang mga uri ng kagipitan o national emergency sa Pilipinas at sa ibang bansa, isa sa mga nakikitang epekto ng mga ito ang pagtaas ng kaso ng maagang pagbubuntis.

Isang halimbawa nito ang Eastern Visayas nang rumagasa ang Bagyong Yolanda noong 2013. Base sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-National Research Council of the Philippines o DOST-NRCP, halos 23.5% ng kababaihang teenager ang nabuntis noong panahon iyon.

Ang malungkot pa rito, halos 15% ng mga batang inang nanganak ang muling nabuntis nang sumunod na taon. Bukod dito, ang mga batang ina ay napipilitang huminto sa pag-aaral at kalaunan ay posibleng mawalan ng pagkakataong magkaroon ng maayos na hanapbuhay.


Dahil dito, lalong dapat paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng kanilang mga programang pang-kalusugan nang sa gayun ay matutukan nang husto ang pagsugpo sa maagang pagbubuntis.

Lingid sa kaalaman ng lahat, bago pa tumama ang pandemya ng COVID-19 sa Pilipinas, itinuturing nang national emergency ang teenage pregnancy sa bansa.

Sa ganitong mga pangyayari kung bakit nais nating patatagin ang comprehensive sexuality education para sa mga mag-aaral. Isa itong mahalagang hakbangin upang labanan ang maagang pagbubuntis.

Noon pa ay hamon na sa atin na maiwasan ang pagdami ng kaso ng maagang pagbubuntis. Ngayon at nagkaroon ng COVID-19, nakakatakot na baka lumobo pa ang bilang ng kabataang kababaihan na maging batang ina at huminto sa pag-aaral.

Bagama’t bumaba ang bilang ng mga nabubuntis sa kababaihang 15 hanggang 19 na taong gulang mula 182,906 noong 2017 hanggang 181,717 noong 2018, tumaas naman ng 63% ang kaso ng mga batang nabubuntis mula edad na 10 hanggang 14. Ayon sa Commission on Population and Development o POPCOM, mula sa 1,381 na kaso noong 2011 sa naturang age group, umakyat ito sa 2,250 noong 2018.

Hindi natin ito puwedeng ipagsawalang bahala. Ngayon dapat mas patatagin ang mga programa laban sa maagang pagbubuntis upang hindi mapagkaitan ang ating mga kabataan ng magandang kinabukasan. Kailangan natin itong bigyan ng prayoridad.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.