Bantayan ang mga overloaded na truck
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 24, 2022
Nakadidismaya na isa namang trahedya ang nangyari dahil lamang sa kapabayaan ng iilan na naging dahilan ng pagbagsak ng gitnang bahagi ng Carlos P. Garcia bridge sa Barangay Wawa, Mayambang, Pangasinan bandang alas-3:37 ng hapon noong Huwebes.
Matindi ang nangyari dahil hindi kinaya ang bigat ng overloaded truck na hindi pinapayagang dumaan sa naturang tulay, ngunit dahil sa kapabayaan ng mga bantay ay nakalusot kaya bumigay ang gitnang bahagi na ikinasugat ng apat na sakay ng truck.
Ngayon hirap na hirap ang ating mga kababayan sa lugar na iyon dahil ang nasabing tulay ang siyang nagdudugtong sa Bayambang patungong bayan ng Camiling sa Tarlac na isang napakalaking perwisyo sa kabuhayan ng mga tumatawid sa bumagsak na tulay.
Sa isang pagkakamali lamang ay napakarami ng mga kababayan nating apektado, lalo na ‘yung mga negosyanteng nagbabagsak o humahango ng kani-kanilang produkto na dumadaan sa nasabing tulay ang tiyak na mawawalan ng kita hanggang hindi pa natatapos ang tulay.
Bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Works ay nakakalungkot na nangyayari ang ganitong sakuna kaya nga kinalampag ko agad ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng mga inspeksyon sa lahat ng mga pampublikong imprastraktura upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong pangyayari.
Palagi na lang kasing ganito na kumikilos lamang kapag may aksidente o trahedyang nangyari na dapat noon pa ay nagsasagawa na ng regular na inspeksyon dahil buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan ang nakataya rito.
Posible sanang naiwasan ang aksidente kung naging responsable lamang ang mga nakakasakop ng nabanggit na tulay at hindi hinayaang mangyari ang aksidenteng tulad ng nangyari.
Kunsabagay aminado naman ang lokal na pamahalaan na nagkaroon umano ng kapabayaan sa itinalaga nilang checkpoint bago dumating ang bumagsak na tulay, ngunit hindi nila ipinaliwanag kung bakit nakalusot ang naturang truck.
Ayoko na sanang pakialaman ang sistema ng itinalagang bantay ng lokal na pamahalaan, ngunit dalawa lang naman ang maaaring dahilan kung bakit nakalusot ang bumagsak na truck—una ay tulog ang bantay at ikalawa ay tumanggap ng suhol, kaya kusang pinadaan ang truck.
Ngayon namo-monitor ko kung paano idina-downplay ang nangyaring aksidente pero wala na itong bisa dahil ang kailangan ngayon ay aksyon, bilis ng kilos at solusyon para hindi naman matagalan na matengga ang ating mga kababayan.
Itong DPWH naman, dapat hindi kayo makontento na basta na lamang i-turn-over ang inyong trabaho sa lokal na pamahalaan dahil bukod sa regular na inspeksiyon na inyong isinasagawa ay tiyakin ninyong maayos ang inyong koordinasyon sa pagpapatupad ng weight limit.
Kasi kahit ano pa ang dahilan kaya bumagsak ang nabanggit na tulay ay ang DPWH pa rin ang puwedeng sisihin ng publiko dahil hindi ninyo isinama sa inyong trabaho na posibleng may mga pasaway na dumaan at hindi kayanin ng ginawa ninyong tulay—na nangyari.
Kaya dapat siguraduhing matibay, walang daya at ligtas ang mga pampbulikong imprastrakturang isinasagawa upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari na mabuti nga at hindi nalagay sa grabeng sitwasyon ang apat na lulan ng truck.
Ito namang mga kompanya na gumagamit ng mga truck, sana naman ay sumunod kayo sa tamang kapasidad na laman ng truck, hindi ‘yung overloaded na halos hindi na makausad ang truck paakyat sa pataas na kalsada dahil sa sobrang bigat.
Araw-araw na sitwasyon ito sa mga daan patungong lalawigan na nakapagtatakang hindi rin nahuhuli samantalang kabi-kabila ang mga istasyon ng pulisya at ang kabagalan ng mga truck ay nagreresulta na sa pagbagal din ng daloy ng trapiko.
May natanggap tayong impormasyon na ang ilang tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) ay kinakausap umano ng mga may-ari ng mga overloaded truck para makadaan ng mapayapa sa mga lalawigan.
Hindi ko sinasabing may ibang klase ng usapan, ang sinasabi ko lang ay kahit ano pa ang nakapaloob sa ugnayan ng LTO, HPG-PNP at ng mga may-ari ng truck ay hindi ito nakabubuti sa nakararami.
Unang-una na ay mabilis mawasak ang mga kalye dahil sa sobrang bigat ng mga truck na labis na nakakaperwisyo sa marami nating kababayan kapag wasak na ang kalye dahil lamang sa mga pasaway na walang pakundangan.
Ngayon heto naman ang ilang araw nang kumakalat sa social media hinggil sa bahagi ng flyover mula sa 32nd Street ng Bonifacio Global City patungong C5 Road na nakitang delikado na at anumang oras ay puwedeng mag-collapse.
Baka naman hintayin pa ito ng DPWH na mag-collapse bago kumilos, sana naman aksiyonan na agad dahil kapag may mga nasaktan pa tayong kababayan ay tiyak na may managot dahil sa pagbalewala sa mga sumbong na tulad nito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments