top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Banta sa kaligtasan ng mga pulis at preso, ‘wag isnabin

  • BULGAR
  • Oct 12, 2022
  • 2 min read

Updated: Oct 13, 2022

ni Ryan Sison - @Boses | October 12, 2022


Matapos ang madugong hostage-taking kay dating senador Leila de Lima noong Linggo, Oktubre 9, magpapatupad ng mas mahigpit na hakbang ang Philippine National Police (PNP) sa loob ng Custodial Center sa Camp Crame.


Nabatid na sinamantala ng tatlong preso ang pagkakataon na sunggaban at saksakin ang isang pulis na mag-isang namamahagi ng rasyon ng pagkain.


Ayon kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr., kabilang sa mga pagbabago ang pagpapatupad ng ‘buddy system’ sa pamamahagi ng rasyon ng pagkain sa mga preso.


Gayundin, titiyakin umano na mahigpit na babantayan ang pagpasok ng mga bagay na maaaring gawing armas sa loob ng detention facility.


Napag-alamang gumamit ng tinidor ang mga preso na ginawang improvised na kutsilyo, gayundin, ito ang ginamit na sandata sa pananaksak sa pulis at hostage-taking.


Gayunman, naninindigan si Azurin na dapat ipagpatuloy ang mga oras ng pagbisita upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kaanak ng mga preso na suriin ang kalagayan ng mga ito.


Sa totoo lang, nakakabahala na may mga ganitong insidente sa pasilidad. Marahil, ito ay nangangahulugan na may pagkukulang sa seguridad, kaya may mga nakakalusot.


Ang problema kasi sa atin, maghihigpit lang kapag may nasawi o nasaktan na.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, siguraduhing naipapatupad ang mga naturang paghihigpit sa lahat ng pagkakataon. Kung may mga hakbang pang dapat ipatupad, gawin na.


Batid nating ang mga paghihigpit na ito ay bahagi ng mga hakbang upang hindi na maulit ang insidente, kaya utang na loob, bantayang mabuti ang mga lumalabas at pumapasok sa pasilidad.


Hindi dapat nakokompromiso at isantabi ang kaligtasan ng kapulisan at kababayan nating nasa mga pasilidad.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page