Bansag na ‘bullying capital of the world’ ang ‘Pinas, saklap!
- BULGAR
- 3 days ago
- 2 min read
Updated: 1 day ago
ni Ryan Sison @Boses | September 4, 2025

Masakit isipin, pero lumalabas na ang Pilipinas ay nananatiling “bullying capital of the world”.
Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ang bullying ay hindi simpleng isyu ng mga batang nag-aasaran, isa itong sugat na unti-unting bumabaon sa isipan ng kabataan, sa puntong halos nagiging normal na lang ang pangha-harass, pananakit, at paninira. Kung dalawa sa tatlong estudyante ay biktima nito buwan-buwan, totoong malala at malinaw na may krisis tayong kinakaharap.
Batay sa datos ng Programme for International Student Assessment (PISA), Department of Education (DepEd) records, at mga pag-aaral ng De La Salle University (DLSU), nasa 63 porsyento ng mga Grade 5 pupils ang nagsabing nakakaranas sila ng bullying. Hindi lang ito pisikal na pananakit, kasama rito ang malisyosong tsismis o false rumors, pag-exclude sa mga aktibidad, at pagbabanta. Ang mas nakakalungkot ay wala tayong sapat na propesyonal na tutulong sa mga batang biktima. Imbes na maramdaman nilang ligtas ang paaralan, nagiging entablado pa ito ng karahasan.
Sa record ng DepEd, meron lamang tayong 5,001 registered guidance counselors at 3,000 psychologists para sa mahigit 47,000 paaralan. Kulang na kulang talaga, na ayon din sa kagawaran, aabot sa 4,460 na bakanteng guidance counselor posts ang hindi mapunan habang kakaunti naman ang trained professionals.
May mga rehiyon pa, na mataas ang demand subalit napakalimitado, gaya ng MIMAROPA at Eastern Visayas na wala kahit isang graduate sa guidance counseling ang naitala. Kaya hindi nakakapagtaka kung bakit lumalala ang kaso ng bullying at mental health issues sa mga bata.
Marahil, ang ugat nito ay ang kakulangan ng imprastraktura at lubos na atensyon sa mental health bilang bahagi ng ating edukasyon.
Bilang isang miyembro ng lipunan, kailangan nating makiisa sa pagresolba at pagsugpo ng bullying sa mga mag-aaral.
Ang epekto nito ay hindi lang pasa at luha, kundi maaaring magresulta sa depresyon, paglayo sa pag-aaral, at minsan, pagkitil ng sariling buhay.
At kung tunay na mahal natin ang mga kabataan, dapat silang protektahan hindi lang sa anumang unos at sa kalam ng sikmura, pati na sa sakit na naidudulot ng pangungutya at pananakit ng kapwa bata.
Gayundin, ang ‘bullying capital of the world’ ay hindi sana manatiling bansag sa atin. Panahon na para gawing ligtas ang bawat silid-aralan, na isang lugar ng pagkatuto at saya, nang sa gayon ay mailabas ng bawat bata ang kanilang galing at talento.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments