Bangka sumabog, mga sakay tumilapon
- BULGAR

- 3 days ago
- 1 min read
ni Jenny Rose Albason @Overseas News | May 11, 2026

Iniimbestigahan ng mga otoridad sa Estados Unidos ang sanhi ng pagsabog sa isang bangka sa Miami, southern Florida, na ikinasugat ng 11 katao.
Ayon kay Miami-Dade Fire Rescue Battalion Chief Juan Arias, tumugon ang mga emergency team sa ulat ng isang posibleng pagsabog ng bangka sa Haulover Sandbar, isang kilalang lugar na dinarayo ng mga turista.
Labing-isang biktima ang agad na isinugod sa mga ospital sa lugar upang gamutin dahil sa mga paso at iba pang malubhang pinsala.
Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng mga otoridad ang tiyak na sanhi ng pagsabog. Patuloy pa ang imbestigasyon at pakikipag-ugnayan ng mga opisyal sa iba pang ahensya para sa karagdagang detalye.
Ayon sa isang saksi na isang lokal na boat charter operator, may mga taong nakita umanong tumilapon mula sa bangka matapos ang insidente. Dagdag pa niya, mabilis umanong kumalat ang apoy at malamang ay pinalakas pa ng gasolina, dahilan upang mas malubha ang mga natamong paso ng mga biktima.
Makikita rin sa ilang video mula sa pinangyarihan ang isang helicopter na dumaong malapit sa Miami marina habang inililipat ng mga emergency responder ang isa sa mga sugatang pasahero gamit ang stretcher.
Bukod sa mga fire at rescue team, tumulong din sa operasyon ang U. Coast Guard at ang Florida Fish and Wildlife Conservation Commission.
Ang Haulover Sandbar ay isang sikat na destinasyon sa Miami dahil sa malinaw at mababaw nitong tubig, kaya madalas puntahan ng mga turista at nagbo-boat trip.





Comments