top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Banchero ng Magic tuloy sa 'Pinas, Wembanyama out sa FIBA

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 28, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 28, 2023




Hindi na maglalaro si 2023 NBA numero unong rookie pick Victor Wembanyama ng San Antonio Spurs para sa Pransiya sa parating na 2023 FIBA World Cup. Tuloy naman sa Pilipinas si 2023 Rookie of the Year Paolo Banchero ng Orlando Magic subalit nababalutan ito ng kontrobersya.


Biglang nagbago ng pahayag si Banchero at maglalaro na siya para sa Estados Unidos kung saan siya ipinanganak imbes na sa Italya na bansa ng kanyang ama. Si Banchero ay mamamayan ng parehong bansa subalit umasa ang Federazione Italiana Pallacanestro (FIP) na sila ang pipiliin ayon sa mga salita at kinikilos ng 6’10” forward na pinsan ni Chris Banchero ng Meralco Bolts.


Hindi itinago ni FIP President Giovanni Petrucci ang kanyang pagkadismaya at nalaman lang niya ang desisyon sa pahayagan. Umabot pa ito ng pagtawag niya na pagtaksil sa Italya ang ginawa ni Banchero.


Haharapin ng Gilas Pilipinas ang Italya sa Agosto 29 sa Araneta Coliseum. Kahit wala na si Banchero ay may mga maaaring kunin na NBA player ang mga bisita tulad nina Simone Fontecchio ng Utah Jazz at kung hihilom ang kanyang tuhod, si Danilo Gallinari na kalilipat lang sa Washington Wizards.


Idinahilan ni Wembanyama na kailangan niya palakasin ang kanyang katawan para sa unang taon sa NBA. Magkakalapit ang petsa ng NBA Summer League at World Cup subalit lininaw ng 19 anyos na sentro na ito ay sarili niyang desisyon at hindi siya ipinilit ng Spurs.


Nasa San Antonio na si Wembanyama kung saan malugod na sinalubong siya ng mga alamat ng koponan na sina David Robinson, Tim Duncan, Sean Elliot at Manu Ginobili.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page