Banchero, nagmadyik sa Orlando, Giannis, namayani sa Milwaukee
- BULGAR
- Jan 25, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 25, 2023

Pinatunayan ng kulelat na Orlando Magic na sila ang kontra-pelo ng numero unong Boston Celtics, 113-98, sa NBA kahapon mula sa Amway Center. Winakasan ng Magic ang siyam na magkasunod na panalo ng Boston sabay tala ng kanilang ikatlong sunod na tagumpay sa parehong koponan ngayong taon.
Kumilos ang Magic sa 4th quarter sa mainit na laro nina numero unong rookie Paolo Banchero at ang nagbabalik na si Jonathan Isaac upang baligtarin ang 60-55 lamang ng Celtics at umabante papasok sa fourth quarter, 88-79, at hindi na nila binitawan ito. Huling naglaro ang 6’11” si Isaac noong Pebrero 8, 2020 at napilitan umupo ng mahigit dalawang taon dahil sa pilay na tuhod.
Nagtapos na may 23 puntos si Banchero habang 21 puntos at 11 rebound si Wendell Carter Jr. Kahit bigo, hawak pa rin ng Boston ang pinakamataas na kartada sa liga na 35-13.
Bunga ng resulta, nakalapit ng bahagya ang humahabol na Milwaukee Bucks sa bisa ng 150-130 tagumpay sa Detroit Pistons. Eksakto ang pagbalik aksiyon ni Giannis Antetokounmpo at nagtala siya ng 29 puntos at 12 rebound habang 21 puntos si Brook Lopez para sa 30-17 panalo-talo.
Samantala, bumida ng todo ang mga kababayang Jalen Green at Jordan Clarkson sa natamasang panalo ng kanilang mga koponan. Bumuhos ng 42 puntos buhat sa anim na three-points si Green sa 119-114 panalo ng kanyang Houston Rockets sa Minnesota Timberwolves.
Ito na ang pinakamarami sa musmos na karera ni Green. Winakasan din ng Houston ang kanilang 13 magkasunod na talo. Hindi nagpahuli si Clarkson at nag-ambag ng 18 puntos sa 120-102 tambakan sa Charlotte Hornets. Namuno sa Utah si Lauri Markkanen na may 25 puntos at 11 rebound.





Comments