top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Baltazar, nagpanalo sa Delta sa Game 1 ng NBL Finals

BULGAR
Jun 26, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 26, 2022



Sumakay muli ang defending champion Pampanga Delta sa halimaw na laro ni Justine Baltazar upang makuha ang Game 1 ng seryeng best-of-three para sa kampeonato ng 2022 National Basketball League (NBL) President’s Cup handog ng Converge laban sa bisitang DF Bulacan Republicans, 101-91, Biyernes ng gabi sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City.

Sa unang laro, winakasan nina Janine Pontejos at Army Lady Battalion ang walong sunod-sunod na tagumpay ng PSI Air Force, 77-70, upang lumamang ng 1-0 sa hiwalay na serye para sa 2022 Women’s National Basketball League (WNBL).

Maaga pa lang ay nagtrabaho agad si Baltazar na gumawa ng 13 puntos upang itayo ang pinakamalaking lamang ng Delta, 20-4, at wala pang 6 na minuto ang nakalipas sa laro. Pumalag saglit ang Bulacan subalit sinagot ito ng isa pang shoot ni Baltazar at ibalik sa 16 ang kanilang lamang apat na minuto pa bago matapos ang 1st quarter, 24-8.

Hindi basta sumuko ang mga Republican sa harap ng kanilang mga tagahanga at nagawang itabla ang laban ng ilang beses sa 4th quarter na ang huli ay 81-81 matapos ang buslo ni Earnest Reyes na may 6 na minuto sa orasan. Sinigurado ng Pampanga na hindi makakatikim ng lamang ang Bulacan at nagtulungan sina Renato Liangco, Mark Jason Tamayo at Baltazar na palakihan ang agwat sa 12 puntos, 98-86, at 1:48 sa orasan.

Walang nakapigil kay Krooberg Best Player Baltazar na nagtapos na may nakakahilong 38 puntos at 19 rebound. Sinundan siya nina Tamayo na may 26 puntos buhat sa anim na tres at Liangco na may 25 puntos. Humataw ng husto ang Army sa 3rd quarter at nag-shoot ng dalawang sunod si Pontejos para sa kanilang pinakamalaking lamang, 52-37. Mula roon ay inalagaan nila ito ng mabuti sa gitna ng mga tangkang bumalik ng Lady Air Defenders.

Mga laro ngayong Linggo – Bren Z. Guiao Convention Center:


1 PM Pampanga vs. San Jose del Monte (NBL Youth U19);

4:00 PM Air Force vs. Army (WNBL)

6:00 PM Bulacan vs. Pampanga (NBL).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page