Balikbayan box, target ng mga scammer, ingat!
@Editorial | December 20, 2023
Ayaw talagang magpaawat ng mga scammer na lalo pang namamayagpag ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Target din nila ang mga balikbayan boxes.
Kaya nagbabala na ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko lalo na sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagbabalak magpadala ng mga balikbayan boxes, kasabay ng inaasahang pagpasok ng maraming shipment.
Kailangang makipagtransaksyon lamang sa mga accredited Philippine counterparts o mga agents.
Marami kasi sa mga pekeng ahente sa ngayon ay nag-aalok ng mababang rate o bayad kapalit ng pagpapadala, habang ang iba naman ay nagpapakilalang ahente ng isang kumpanya ngunit mga peke o hindi aktuwal na empleyado ng mga ginagamit na kumpanya.
Kaya magdoble-ingat upang hindi masayang ang pinagpaguran.
Napag-alaman na mula noong taong 2018, nakatanggap na ang DTI ng kabuuang 520 na reklamo kaugnay sa mga balikbayan boxes.
Sana, matigil na ang ganitong panloloko, kung hindi man kayo tablan ng konsensya.
Apela natin sa mga otoridad kayo na ang magparamdam sa kanila ng batas, tugisin at papanagutin.



Comments