top of page
Search
  • BULGAR

Balik-ruta ng mga jeep, tulong sa mga tsuper at komyuter

ni Ryan Sison - @Boses | June 29, 2022


Nais ng iba’t ibang grupo ng jeepney operators at drivers na ibalik ang dating ruta o biyahe ng mga pampasaherong sasakyan na nakasaad sa kanilang mga prangkisa.


Sa petition letter ng mga grupo na isinumite sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), bumalik na anila ang dami ng bilang ng mga pasahero dahil nagbukas na ang mga negosyo at opisina, kaya dapat lamang na ibalik ang kanilang mga dating ruta, gayundin upang madagdagan ang kanilang kita.


Anila, sobrang tindi ng epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina sa kanilang hanapbuhay, kaya napapanahon na itong gawin para kahit paano ay may kitain sila at maiuwi sila sa kanilang mga pamilya.


Sa ngayon, ang mga passenger vehicles ay binigyan ng special permit.


Sa totoo lang, malaking kawalan sa panig ng mga tsuper ang mawalan ng biyahe sa kanilang orihinal na ruta, kaya kung mapagbibigyan ng pamahalaan, malaking tulong sa kanila, lalo na sa mga komyuter. Nananatili kasing problema ng ilan ang putol-putol na biyahe dahil sa pagbawas ng ruta ng ilang pampasaherong sasakyan.


Pero bago ang lahat, pakiusap natin sa mga kinauukulan na sana’y mapag-aralan at matingnan kung paano magiging epektibo ang hakbang na ito. Unang-una na riyan ang maayos na sistema sa mga terminal para maiwasan ang siksikan at unahan ng mga pasahero, gayundin, kung hindi makakaapekto sa daloy ng trapik ang pagbalik-ruta ng ilang mga jeep.


Magandang solusyon ang balik-ruta dahil win-win ito sa mga drayber at pasahero — may karagdagang kita ang mga tsuper at bawas-problema naman para sa mga komyuter.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page