Balik-pasahe, gawing permanente
@Editorial | March 16, 2023
Hanggang ngayon ay marami pa rin ang hirap at nagsusumikap para maitawid ang araw-araw na gastusin.
Marami ang nawalan ng trabaho at kabuhayan na naging sanhi ng pagkalugmok at paglubog ng ilang kumpanya at pamilya.
Sinabayan pa ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Talagang todo-diskarte ang publiko sa pagba-budget. Lahat ng pagtitipid ay talagang ginagawa na.
Kaya nang irekomenda ng Department of Transportation (DOTr) sa Land Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng discount o bawas-pasahe sa mga pampublikong sasakyan gaya ng jeep, bus at UV Express, natuwa ang mga komyuter.
Malaking tulong nga naman ito dahil mababawasan ang gastusin ng pamilya, lalo na ngayon, balik-face-to-face classes na kung saan karamihan sa mga estudyante ay nagkokomyut papasok.
Kung nasa P3 o P4 ang discount, kapag naipon sa isang buwan, pandagdag na rin pambili ng bigas.
Samantala, tiniyak naman ng DOTr na hindi malalagay sa alanganin ang mga tsuper dahil may nakalaang pondo kapalit ng ibibigay na discount.
Batid naman natin na ang usaping ito ay isa sa mga suliranin na hindi malutas-lutas dito sa ating bansa, hindi pa man nangyayari ang pandemya, mayroon na talagang kaguluhan pagdating sa usapin ng pagtaas o pagbaba ng singil sa pamasahe.
Kaya marapat na pag-usapan itong maigi bago ipatupad at dapat ay walang maagrabyado.



Comments