top of page

Balik-curfew, mga menor-de-edad, bawal lumabas!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 13, 2022
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | January 13, 2022



Habang patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, kani-kanyang pag-iingat ang nasyunal at lokal na pamahalaan upang mapigilan ang hawahan.


Kabilang na ang muling pagtaas ng alert level, kung saan maraming lugar ang nasa ilalim ng Alert Level 3.


Kaugnay nito, muling magpapatupad ang Metro Manila Council (MMC) ng curfew sa mga menor-de-dad o mga batang edad 17 pababa mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw. Ito ang kinumpirma ni MMC chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez kung saan aniya, ito ang napagkasunduan ng mga alkalde sa Metro Manila.


Katwiran ng opisyal, ang desisyong panatilihin ang Alert Level 3 ay base sa 55% health care utilization rate ng rehiyon. Aniya, base sa pamantayan ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) itataas ang Alert Level 4 kung saan nasa 70% pataas na ang healthcare utilization rate.


Samantala, pinag-aaralan naman ang pagpapatupad ng curfew para sa mga nasa hustong gulang.


Matapos ang isang linggo, susuriin aniya ang datos upang malaman kung may pagbabago sa utilization rate at kung kailangang baguhin ang kanilang desisyon.


Nauunawaan natin kung bakit kailangang ibalik ang curfew dahil sa totoo lang, kapansin-pansing marami pa ring menor-de-edad na inaabot ng gabi sa labas.


Ang masaklap, karamihan sa kanila ay hindi naka-facemask at dikit-dikit pang nakaistambay. At ang ending, panibagong hawahan dahil sa mga ganitong kapabayaan.


Ngayong ibinalik ang curfew para sa mga bata, hangad nating makiisa ang lahat, lalo na ang mga magulang. Pakiusap natin na bantayang mabuti ang inyong mga anak at ipaunawa na ang lahat ng ito ay para rin sa kanilang ikabubuti.


Panawagan naman sa mga kinauukulan, tiyaking bantay-sarado ang mga kalye at ‘pag may lumabag, sampulan para matuto at hindi tularan ng iba.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page