top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Balik-bitay, inihirit vs. droga

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 3, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | October 03, 2023


Matapos na madiskubre ng mga awtoridad kamakailan, ang pagpasok ng bilyun-bilyong halaga ng umano’y shabu sa bayan ng Subic sa Zambales province, binuhay ng isang mambabatas ang mga panukala para sa reimposition o muling pagpapatupad ng death penalty sa ating bansa.


Sa isang panayam kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers nitong Lunes, sinabi nitong isinusulong niya ang pagpapanumbalik ng parusang kamatayan na limitado lamang sa mga drug cases mula pa noong 11th Congress.


Ayon kay Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, itinutulak niya ang restoration ng death penalty na maaaring maging deterrent sa paglala ng mga kaso ng illegal drugs.


Una nang inanunsyo ng mga awtoridad noong nakaraang buwan na may P3.6 bilyong halaga ng hinihinalang shabu ang pumasok umano sa isang Subic port at napunta sa isang warehouse sa Pampanga.


Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang hinihinalang drug shipment, kung saan may Thai markings, ay may kasamang “chicharon” at dog food. Aniya, siguradong may foreign involvement dito dahil international syndicate ang pinag-uusapan, na talagang very sophisticated, habang tinawag niya itong world menace.


Inamin naman ni Barbers na ang parusang kamatayan ay isa lamang kasangkapan o tool “na makakapigil sa mga sindikato” mula sa pagdadala o pagpasok ng ilegal na droga sa ating bansa.


Gayunman, iginiit ng mambabatas na kailangan ng major reform at dapat na gawin ay ireporma ang mga law enforcers unit sa pagsisikap na isama ang pagkakaroon ng mga moral seminars.


Matatandaan na ang death penalty ay in-abolish sa Pilipinas noong 2006, sa ilalim ng pamumuno ni ex-President Gloria Macapagal-Arroyo.


Panahon na marahil upang maibalik ang pagpapatupad ng capital punishment sa ating bansa na partikular na tututok sa mga krimen na may kinalaman sa illegal drugs.


Kung pagbabatayan natin kasi ang mga naitatalang krimen, tila nangyayari o nagagawa ito ng mga salarin dahil sa gumamit muna sila ng ilegal na droga.


Kadalasan pa sa mga ulat ay nagawa ang tinatawag na heinous crime, gaya ng brutal na pagpatay, masaker, mga maliliit na batang ni-rape at iba pa dahil sa lulong na sa drugs ang suspek.


At kung darami ang magiging talamak sa droga maging mga drug pusher, habang walang mabigat na parusang maipapataw sa kanila sakaling mahuli, malamang na darami rin ang mga biktima na humihingi ng hustisya at krimen.


Hiling natin sa kinauukulan na pag-aralang mabuti ang pagbabalik ng death penalty, kung ito ba ay makakatulong sa mga mamamayan na magkaroon ng mapayapang pamumuhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page