Bakuna na gagamot sa namatay na isip at kaluluwa ng maraming Pinoy
- BULGAR

- Oct 10, 2020
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | October 10, 2020
Pinipilit ng maraming bans na malapit o nakatuklas na sila ng bakuna para sa COVID-19. Totoo? Sa loob ng pitong buwan mula lumaganap ang virus ay meron nang natuklasan, nasubukan at natiyak na mabisa’t ligtas na bakuna? Ano ba ang sinasabi ng mga eksperto sa paraan at tagal ng proseso ng paggawa ng bagong bakuna? Gaano ba katagal ginawa ang bakuna sa tuberculosis, polio o chicken pox?
Ayon sa mga eksperto, hindi ganu’n kabilis ang proseso ng paggawa ng bakuna. Taon ang karaniwang binibilang bago matuklasan ang mapagkakatiwalaan at tunay na bakuna dahil ito ay kailangang dumaan sa paulit-ulit na testing kung ito na ang angkop na bakuna.
Halos pitong buwan na mula nang magsimula ang pandemya. Maliban sa COVID-19, may iba pang pandemyang lumitaw, nagbanta at nagtagumpay na patayin ang isip at kaluluwa.
Bilyones ang nawala sa PhilHealth; milyun-milyon ang ginastos sa kuwestiyunableng ‘beautification’ Manila Bay; overpricing na mga PPE, face masks, face shield at iba pa; overpricing sa COVID-19 testing mula rapid test hanggang sa swab; problematikong pagbabahagi ng ayuda-pinansiyal ng Social Amelioration Program. May nakikinabang ba?
Marami na tayong nakausap na iisa lang ang bukambibig,“Suko na kami Father. Wala na kaming magagawa. Bahala na lang ang Diyos sa amin. Hindi na namin kayang lutasin ang aming mga problema, lalo na ang problema ng iba. Suko na po kami Father.”
Baka puwede nating tawagin ang pangalawang virus na “SukoNa Virus!” Pinasunod, tinakot, pinasuko ang balana na kung hindi sila susunod, maaari silang makulong at masampahan ng kaso. Kaya’t isuko na lang ng lahat ang kanilang kalayaang magsalita; magpahayag ng saloobin, hindi pagsang-ayon at pamamahayag ng paninindigan.
Ang kabaliktaran at ang lunas sa “SukoNa Virus” ay ang “tunay na bakuna” na tawagin natin ay TayoNa! Ano ang Bakunang TayoNa. Tumayo na tayo sa pagkatakot. pagkawala ng ulirat at kamalayan at kumilos nang may pananagutan at pagkalinga hindi lang sa sarili kundi sa lahat. Tayo na rin sa ating pagkakani-kanya, panahon nang muling tuklasin na hindi tayo hiwa-hiwalay at iba’t iba. Pinaghihiwa-hiwalay at hinahati-hati tayo sa pananaw, kulay, pananalig, samantalang sa totoo lamang ay malalim ang tunay na pagkakaisa ng mamamayang Pilipino sa kanilang tunay na pagkatao at pananampalataya—sugpuin ang pagsuko at takot.
Palitan ito ng ibayong paninindigan at pagkakaisa. ‘Yan ang tunay na bakuna, ang bakunang tayo na!





Comments