top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Bakuna, best insurance ngayong pandemya

BULGAR
Apr 22, 2022
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 22, 2022


Kapag naghahatid tayo ng tulong sa mga kababayan nating labis na nangangailangan at dinatnan pa ng mga sakuna, tinitingnan ko sila nang mata sa mata. Doon ko nasasalamin ang hirap na kanilang dinadanas sa araw-araw. Dumudurog sa aking puso ang nakikita kong kalagayan nila. At sa pagnanais na matulungan sila, doon naman ako humuhugot ng lakas.


Wala rin akong pinipiling lugar o oras para magserbisyo. Basta kaya ng katawan ko, sa abot ng aking makakaya ay tutulong ako. Kahit anumang kulay ng lugar at tao, pinupuntahan namin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil ang pagtulong at serbisyo namin ay walang halong pulitika. Dapat ay pantay-pantay dahil lahat naman tayo ay Pilipino.


Sa bawat komunidad na aming pinupuntahan para magsagawa ng relief activities ay mayroon kaming kaunting dala gaya ng pagkain. At para may maiuwi sila sa kanilang mga tahanan, nagbibigay din kami ng grocery packs. Bukod d’yan ay namamahagi rin kami ng mga bitamina para pampalakas ng kanilang resistensya. Hindi ko rin kinakalimutang bigyan sila ng face masks dahil kailangan ito para makaiwas sila sa sakit sa panahon ng pandemya.


May ilan ding mga kababayan natin na nabibigyan naman ng computer tablets para sa pag-aaral ng mga bata, bisikleta para hindi mahirapang pumasok sa trabaho, at sapatos para sa pang-araw-araw nilang gawain.


Kung tutuusin ay kaunting tulong lang naman ito na mula sa aming puso. Ang mahalaga ay makapagbigay ito ng solusyon sa mga problema nila.


Ngayong linggong ito ay naghatid ang aking tanggapan ng tulong sa isang pamilyang nasunugan sa Bagong Silang, Caloocan City; 22 na pamilya sa Bgy. Tambo, Parañaque City; at 50 na benepisyaryo sa Lapu-Lapu City, Cebu. Napagkalooban din ng ayuda ang 981 na benepisyaryo mula sa Margosatubig, Zamboanga Del Sur; at 666 pa mula naman sa Sasmuan, Pampanga.


At gaya ng aking sinabi sa mga taga-Island Garden City of Samal (IGACOS) sa Davao del Norte na hindi ko sila pababayaan, muli tayong nagkaloob ng ayuda para sa 173 na benepisyaryo mula sa Bgy. Sto Niño; 263 sa Bgy. San Antonio; at 500 sa Bgy. Toril. Bukod dito, 53 pang pamilyang nasunugan mula naman sa Bgy. Calzada Tipas at Bgy. New Lower Bicutan, Taguig City ang nabigyan din ng tulong.


Ngunit ang pinakanabagbag ang aking kalooban ay sa 758 pamilyang nasunugan sa Valenzuela City na aking binisita noong Martes para matulungan. Sa dami nila, napakasakit pong makita na natupok ang lahat nilang naipundar. Mayroon din tayong mga kababayang personal kong pinuntahan sa Bgy. Baesa sa Quezon City noong Miyerkules kung saan 70 pamilya ang napasaya natin.


Maliban pa r’yan, nakatanggap din ng tulong ang 3,333 benepisyaryo mula sa Diplahan, Zamboanga Sibugay; 622 solo parents sa Biñan City, Laguna; 392 sa Zamboanga City; 833 sa Quezon City; 728 sa Rodriguez, Rizal; 1,006 sa Tiaong, Quezon; at 1,250 sa Cabarroguis, Quirino.


Sabi ko nga, maliit na bagay. Gusto ko lang talagang makapag-iwan ng kaunting ngiti sa panahon ng pagdadalamhati ng mga kababayan natin. Nais kong sa gitna ng kanilang pagsubok na pinagdaraanan ay gumagaan ang kanilang dinadala.


Paalala ko nga sa kanila, huwag mawalan ng pag-asa. Mahirap man ang kanilang pinagdadaanan, importante ay buhay tayo. Magsipag lang tayo, mabibili natin ang mga gamit, at ang pera’y kikitaing muli.


At dahil marami sa ating mga kababayan ang hirap ngayon sa buhay, marami ang nagtatanong sa akin sa isyu ng medical insurance para ang kanilang mga anak ay makalahok sa face-to-face classes.


Para sa akin, huwag na nating pahirapan pa ang mga estudyante sa pagbalik sa pag-aaral. Hirap na nga sila sa transition sa distance learning, hindi na sila dapat pahirapan sa pagbalik sa face-to-face learning.


‘Yung insurance naman, hindi kailangang private. Meron tayong PhilHealth. Kung indigent ka at member ng PhilHealth, insured ka na r’yan at puwedeng gamitin na insurance ‘yun sa dependents mo na less than 21 years old.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, para sa akin ay bakuna ang best insurance sa ngayon, wala nang iba. ‘Pag bakunado ka, mas makakasiguro ka sa kalusugan mo laban sa COVID-19.


Dapat siguraduhin ng mga kinauukulan ang kalusugan at buhay ng mga kabataan bago sila isabak sa classroom. Mas mahirap na nasa panganib ang buhay nila, dahil mag-aalala ang kanilang mga magulang kung ligtas ba ang kanilang mga anak habang nag-aaral.


Nakikiusap ako sa mga kababayan natin na magpabakuna na, dahil iyon ang tanging susi, solusyon at insurance sa inyong buhay sa panahon ng pandemya tungo sa pagbalik sa normal na pamumuhay!

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page