Bakuna at booster shot kontra COVID-19, tanggapin na – P-BBM
ni Lolet Abania | July 17, 2022

Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na magpabakuna na at tanggapin ang mga booster shots upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa malubhang sakit na dulot ng COVID-19.
Ang apela ay ginawa ng Pangulo sa isang video na in-uploaded sa kanyang social media accounts nitong Sabado, isang araw matapos niyang makumpleto ang kanyang pitong araw na isolation nang tamaan ng coronavirus sa ikalawang pagkakataon, habang ang una ay noong 2020.
Sa kanyang vlog, sinabi ng Pangulo na hindi na siya nakaramdam ng anumang sintomas ng viral disease.
Pahayag ng Punong Ehekutibo, kung sakaling hindi niya nakumpleto ang bakuna at tinanggap ang booster shot, ang COVID-19 infection na tumama sa kanya ngayon ay posibleng mas malala pa.
“Kukunin ko na rin ang pagkakataong ito para ihayag muli ang importansya ng pagbabakuna lalo na ang booster shot. Ito na nga ang pangalawang COVID ko na pero tingin ko kung hindi dahil sa vaccine at booster shot siguradong mas malubha ang naging tama ko at ng aking pakiramdam,” saad ni Pangulong Marcos.
Ayon pa sa Pangulo, nakaranas lamang siya ng slight fever o sinat at pangangati ng lalamunan.
Unang tinamaan ng COVID-19 ang 64-anyos na Chief Executive noong Marso 2020 matapos na mag-travel mula sa Europe. Nang panahong iyon ayon sa kanyang kampo, si Pangulong Marcos ay bumisita sa isang ospital dahil nagkaroon ito ng problema sa paghinga.
Binanggit naman ng Pangulo na maglulunsad ang gobyerno ng isang massive campaign para sa booster shots at vaccinations kontra COVID-19 sa tulong ng Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Education (DepEd).
“Preparasyon na rin ito sa pagbabalik ng face-to-face classes at pagluwag ng iba pang mga safety protocols. Kung magiging tagumpay ang kampanyang ito tuloy na tuloy na ‘yan,” ani Pangulo.
Nagbigay na rin ito ng direktiba sa DOH na mabakunahan ang 90% ng mga senior citizens sa bansa, na kanilang gagawin sa loob ng unang 100 araw nito sa puwesto.
Sinabi naman ni Pangulong Marcos na hindi na kailangan na magpasa pa ng batas hinggil sa mandatory vaccination.
“Hindi naman talaga kailangang isabatas pa ito dahil malaya pa rin tayong mamili para sa ating sariling kalusugan. Pero habang tumatagal ay mas lumilinaw ang sinasabi ng siyensya,” diin ng Pangulo.
“Ang mga datos at pag-aaral na ang pagbabakuna ay malaki ang naitutulong para sa ating kaligtasan mula sa COVID-19. Maraming salamat sa inyong suporta. Magpabakuna na po at magpa-booster shot na po para tiyak na tayo ay ligtas,” aniya.
Samantal, umabot na sa kabuuang 71.2 milyong Pilipino ang fully vaccinated na, habang 15.4 milyong indibidwal ang nakatanggap ng booster doses hanggang nitong Hulyo 13, base sa datos ng gobyerno.





Comments